Filtered By: Topstories
News

Erap, nanawagan na ipagdasal si Gloria


MANILA – Nanawagan si dating Pangulong Joseph “Erap" Estrada na ipagdasal ang kalusugan ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na isinailalim ng pulisya sa hospital arrest dahil sa kinakaharap na kasong electoral sabotage. Sa panayam sa telepono ng GMA News Balitanghali nitong Sabado, sinabi ni Estrada na dapat ipagdasal na maibalik ang magandang kalusugan ni Arroyo para masagot nito ang mga kasong isasampa ng pamahalaang Aquino. “Sa akin ipagdasal natin siya (Arroyo) na ibalik ang kanyang kalusugan para sa ganun lahat ng mga kaso at paratang na laban sa kanya ay maharap niya dahil lahat ng public official ay accountable sa Filipino people," pahayag ni Estrada na kasalukuyang nasa Singapore. “Hindi natutulog ang ating Panginoong Diyos. Alam Niya ang dapat gawin na nangyayari sa ating bansa," dagdag ng dating pangulo tungkol sa kaso ni Arroyo. Inilagay sa hospital arrest si Arroyo matapos magpalabas ng arrest warrant ang Pasay City Regional Trial Court laban sa dating pangulo at dalawang iba pa. Ito ay kaugnay sa electoral sabotage na isinampa ng Commission on Elections (Comelec).
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Si Estrada ay napatalsik sa Malacanang noong 2001 at pumalit sa kanyang posisyon ang nakaupo noong bise presidente na si Arroyo. Makaraang mawala sa kapangyarihan, inaresto at ipinakulong ng administrasyong Arroyo si Estrada sa kasong pandarambong o plunder. Pagkaraan ng mahigit na anim na taon, nagdesisyon ang Sandiganbayan na guilty si Estrada at hinatulang makulong. Pero hindi na ito nangyari dahil kaagad ding binigyan ng executive clemency ni Arroyo. Ayon kay Estrada, walang pagkakatulad at hindi dapat paghambingin ang kaso nila ni Arroyo, na kasalukuyang nakaratay sa Saint Luke’s Medical Center sa Taguig. Iginiit niya na hindi siya umalis ng Pilipinas nang alukin umano ng administrasyong Arroyo. Pinili umano ni Estarada na harapin ang kanyang mga kaso matapos mapatalsik sa Malacanang. “Ang ginawa nila, pinagsama-sama ang kaso ginawang plunder para makulong ako ng walang bail. Kaya iba yung sa akin hindi pwedeng ihambing o itulad sa nangyari sa kanya," giit ni Estrada. Noong Martes ng gabi, tinangka ni Gng Arroyo na makalabas ng bansa patungong Singapore para maipagamot umano ang sakit nito. Ngunit duda ang pamahalaang Aquino na baka hindi na ito bumalik ng Pilipinas kaya pinigilan nilang makalipad sa Ninoy Aquino International Airport. Ang tangkang paglipad ng mga Arroyo ay ginawa ilang oras matapos magpalabas ng temporary restraining order ang Korte Suprema sa watch list order na ipinalabas naman ng Department of Justice laban sa dating pangulong Arroyo. Hospital Arrest Bilang babae at naging dating pangulo, hindi umano tututol si Estrada na ilagay sa hospital arrest si Arroyo. “Ako kinulong muna sa Camp Crame tapos dinala ako sa Sta Rosa, ngayon bilang naman siya’y isang babae palagay ko dapat lang at dating naging pangulo kahit na nandaya, bilang babae pwede naman siguro ilagay muna sa hospital arrest,’ tugon ni Estrada na inilagay din sa house arrest noon sa kanyang rest house sa Tanay Rizal. Nang tanungin si Estrada kung sa tingin niya ay mako-convict si Arroyo sa mga ibinibintang rito, sinabi ng una na batid raw ng publiko ang mga kasalanan ng huli gaya ng pandaraya umano sa halalan at mga katiwalian na ginawa noon sa ilalim ng kanyang termino. Samantala, kung okey lang kay Estrada ang hospital arrest kay Arroyo, nagpahayag naman dito ng pagtutol ang anak niyang si Senate President Pro-Tempore Jinggoy Estrada. Ayon kay Jinggoy, hindi dapat sa St. Luke’s ilagay si Arroyo kundi sa government hospital tulad ng Veterans Memorial Medical Center sa Quezon City. Ang mag-amang Estrada ay dinala rin at na-hospital arrest sa Veterans hospital nang kasuhan sila ng plunder ng administrasyong Arroyo. Kapag gumaling na si Gng Arroyo, dapat din umano itong ilipat sa Fort Sto. Domingo sa Sta. Rosa, Laguna. “Sa tingin ko naman wala talagang sakit iyang si Gloria, umaarte lang iyan. Gusto pa yatang talunin si Lorna Tolentino," patungkol ni Jinggoy sa kaibigang aktres. - GMA News