Filtered By: Topstories
News

Dating Pangulong Arroyo, mananatili muna sa ospital


Inirekomenda ng mga doktor ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo at pati na rin ng Philippine National Police (PNP) na manatili ang kasalakuyang Pampanga Representative sa kanyang hospital suite sa Taguig habang nagpapagaling. Matapos na isinagawa ng mga pulis ang booking process kung saan kinuhanan si Gng. Arroyo ng mugshot at fingerprint, inihayag ng mga doktor sa St. Luke's Medical Center (SLMC) na masyadong mahina umano ang katawan nito, ayon sa GMA News report. Ayon kay Dr. Juliet Cervantes, personal na doktor ni Gng. Arroyo, kasalakuyang mayroong hypertension ang kanyang pasyente. Lumalabas din umano sa isang examination na 140 over 100 ang kanyang blood pressure. Inihayag din ni Dr. Cervantes na nagkaroon ng bacterial infection sa large intestines ni Gng. Arroyo. Dahil na rin sa wala niyang ganang kumain, na-diagnose na anorexic din ang dating Pangulo. Dahil sa kanyang masamang kalagayan, inirekomenda ng PNP at ng mga doktor sa Pasay Regional Trial Court (PRTC) na manatili si Gng. Arroyo sa ospital upang ipagpatuloy ang pagpapagamot. Detention room, inihahanda na Sa kabila ng kanyang kalagayan, inihahanda na ng Southern Police District ang isang air-conditioned detention room para sa dating Pangulo sakaling ipag-uutos ng Pasay RTC ang paglipat ng kanyang paglipat mula sa ospital. Nanatili si Gng. Arroyo sa ospital mula noong Martes matapos siyang pigilan ng mga opisyal ng Immigration agents na umalis sa bansa dahil sa watch list order na inihain ng DOJ laban sa kanya. Ayon sa opinyon ng isang medical expert, naging matagumpay umano ang spine surgery ng dating Pangulo na isinagawa kamakailan lamang. Noong hapon ng Sabado, sumailalim si Gng. Arroyo sa police booking process. Tuloy ang laban Sa kabila ng pag-aresto sa kanyang amo, malakas pa rin ang loob ni Atty. Ferdinand Topacio, abugado ni dating First Gentleman Mike Arroyo, na maghain ng urgent petition sa Korte Suprema sa darating na Lunes upang kwestiyunin ang constitutionality ng joint Department of Justice (DOJ)-Comelec panel dahil sa minadaling reklamo umano laban sa dating Pangulo. Ang joint panel ang nag-imbestiga sa umanoy pagkasangkot ni Mrs. Arroyo dayaan noong 2007 election. Ayon kay Topacio, umaasa ang kampo ni Arroyo na magkaroon ng Temporary Retraining Order upang maalis ang epekto ng kaso ng electoral sabotage at matanggal ang arrest warrant laban sa dating Pangulo. — Amanda Fernandez /LBG, GMA News