Filtered By: Topstories
News

Ex-Justice chief Gonzalez binatikos ang pag-aresto kay Arroyo


Inakusahan ni dating Department of Justice (DOJ) secretary Raul Gonzalez ang Pasay City Regional Trial Court ng pag-abuso umano ng kapangyarihan nito sa pag-aresto kay dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. Sa isang panayam na ipinalabas sa Balitanghali, inihayag ni Gonzalez, na kilalang kaalyado ni Gng. Arroyo, na hindi nabigyan ng pagkakataon ang akusado na masaksihan ang raffle ng kaso nitong electoral sabotage. Dagdag pa niya, lumabag umano si Pasay City RTC Branch 112 Judge Jesus Mupas sa five-day rule sa pagsusuri ng “probable cause" ng kaso. “The judge, if he has probity enough, if he is fair and unbiased, he can suspend or recall the [arrest] warrant and use the rule... Under the rules of criminal procedure, after he receives information from the fiscal, he will at least have five days to determine probable cause," ani Gonzalez. Ayon sa kanya, magka-iba ang kaso ni Gng. Arroyo sa kaso ni dating Pangulong Joseph Estrada na sinampahan ng kasong plunder sapagkat inatasan si Estrada na humarap sa Senado. “There were... voluminous sets of documents against him because of the Senate probe. Ito (kaso ni Gng. Arroyo) walang hearing sa Senate," aniya. Dismayado si Gonzalez sa kasalakuyang administrasyon sapagkat, ayon sa kanya, noong panahon ng martial law sa ilalim ni yumaong dating Pangulong Ferdinand Marcos, pinayagan umano si Sen. Benigno “Ninoy" Aquino Jr., ama ni Pangulong Benigno Aquino III, na mangibang bansa upang magkaroon ng heart bypass na operasyon sa kabila mga kasong hinaharap na murder at subversion. “It was not Ninoy who went to beg Marcos for it. Marcos wanted him to leave," aniya. Sa hiwalay na panayam kay University of the East College of Law Dean Amado Valdez, kanyang inihayag na maaaring mangibang bansa si Gng. Arroyo sa kabila ng mga kasong kinahaharap niya. Ang mahalaga raw ay naihain na ang kaso laban sa kanya. “It's consent of the court ang nakataya diyan. ‘Yung court, kapag may aberya sa pagpapalabas kay Gng. Arroyo... it’s the responsibility of the court to bring her back," aniya. "Naging mabilis ng kaunti sapagkat aalis na si Gloria Arroyo... [pero] kailangan din you have to ensure the enforcement of judicial processes," ayon kay Valdez. Magkakaroon umano ng trial in absentia sa oras na payagan si Gng. Arroyo na lumisan ng bansa. Responsibilidad naman ng hukom na pauwiin siya. Samantala, buo ang tiwala ni Gonzalez na hindi tatakasan ni Gng. Arroyo ang mga kaso niya kahit na makalabas ito ng bansa. Kapwa naniniwala si Valdez at Gonzalez na kinakailangang kuwestiyunin ng kampo ni Gng. Arroyo ang jurisdiction ng Pasay TRC dahil si Gng. Arroyo ay isang mambabatas. Pinabulaanan naman ng mga miyembro ng joint DOJ-Commission on Elections panel na minadali nila ang proseso sa paghain ng kasong electoral sabotage laban kay Gng. Arroyo. Anila, ilang buwan nang nagdidinig ang joint panel tungkol sa kasong electoral charges na inihain sa dating Pangulo. - Amanda Fernandez/KBK, GMA News

Tags: raulgonzalez