Filtered By: Topstories
News

PHL, Korea, pumirma sa 5 kasunduan para sa kalakalan, agrikultura


Kapwang pumirma ang Pilipinas at South Korea nitong Lunes sa dalawang kasunduan at tatlong memorandum na magpapa-igting umano sa relasyon at economic partnership ng dalawang bansa. Nasaksihan nina Pangulong Benigno Aquino III at Pangulo ng Korea na si Lee Myung-Bak ang pirmahan ng mga dokumento matapos maganap ang isang bilateral meeting sa Malacañang. 1. Grant Aid - Pinirmahan nina Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario at Minister for Foreign Affairs and Tade Kim Sung-hwan ang Framework Agreement for Grant Aid sa pagitan ng gobyerno ng Pilipinas at Korea. Sa kasunduang ito, mapapadali ang proseso ng grant projects. Makapagbibigay din ito ng framework na magpapaliwanag sa tax exemptions at pribilehiyo ng mga tauhan ng ROK/ KOICA at pati na rin ang mga kagamitan na binili kaugnay ang grant projects. 2. Loans - Pinirmahan din ng dalawang foreign ministers ang Framework Arrangement sa pagitan ng Pilipinas at Korea angkop sa mga pautang at economic development cooperation fund para sa taong 2011 hanggang 2013. Sa kasunduan ito, maaaring umutang ang gobyerno ng Pilipinas sa Korea ng mahigit $500 milyon. Maiaabot ang pautang sa Pilipinas mula sa Economic Development Cooperation at Export-Import Bank ng Korea. Ayon kay Aquino, ang dalawang kasunduan ay naglalayong mag-“provide the framework for the growing volume of development assistance provided by Korea to the Philippines." 3. Power plant - Pinirmahan naman nina Energy Secretary Jose Rene Almendras at Korea's Minister of Knowledge Economy Hong Suk Woo ang isang Memorandum of Understanding sa pagitan ng Department of Energy at Ministry of Knowledge Economy. Kabilang sa MOU na ito ang pagsasagawa ng isang power plant sa Subic Bay Economic zone gamit ang environment-friendly technology upang masagot ang panganagilangan ng Luzon ng elektrisidad. 4. Multi-industry cluster project - Pinirmahan ng Department of Agriculture at Korea's Ministry of Food, Agriculture, Forestry at Fisheries ang pang-apat na dokumento na Multi-Industry Cluster Project sa Pilipinas. Sina Agriculture Secretary Proceso Alcala at Agriculture Minister Suh Kyu-yong ang mga pumirma sa dokumentong ito. Ang multi-industry cluster na proyektong ito ay isang public-private na partnership kung saan sinusulong ang maiging paggamit ng agricultural resources ng dalawang bansa upang i-angat ang pag-unlad ng agrikultura at employment. Ayon kay Aquino, kabilang ito sa layon ng Pilipinas na maging rice self-sufficient sa taong 2013. “I am proud to say that the Republic of Korea counts among our most active partners in the agricultural sector," aniya. 5. Jalaur River Multi-Purpose Project - Pinirmahan ng DA at Export Import Bank of Korea ang ika-limang dokumento na Jalaur River Multi-Purpose Project Stage II kung saan binigyang prayoridad ang irrigation project ng gobyerno ng Pilipinas, na makatutulong sa rice self-sufficiency na proyekto ng bansa. Kabilang sa proyektong ito ang ilang benepisyo tulad ng electricity generation at potable water supply sa mga residente sa probinsya ng Iloilo. Dumating si Lee sa Pilipinas nitong Linggo at inaasahang umalis ng Martes. Tatlong araw lamang mananatili ang pangulo ng Korea sa bansa. Dadalo sina Aquino at Lee sa Korea-Philippines Business Forum-CEO Roundtable Meeting sa Manila Hotel. Maghahanda din si Aquino ng isang state dinner mamayang gabi para kay Lee. — Amanda Fernandez/RSJ, GMA News