Filtered By: Topstories
News

Palasyo, inihahanda na ang mahigit 20 na kaso laban kay Arroyo


Maliban sa kasong electoral sabotage laban sa kanya, maaasahan ni dating Pangulo at Pamapanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo ang mahigit 20 na kasong ihahain laban sa kanya, kabilang na ang kasong plunder, isang offense na non-bailable kapag malakas ang ebidensya, inihayag ng Malacañang nitong Lunes. Sa ulat ng GMA News' "24 Oras," inihayag ni Office of Political Affairs Secretary Ronald Llamas: “Alam ko kasi merong almost 20 na hinahanda na mga cases, plunder, electoral sabotage, et cetera. So, sa tingin ko in the next few days or weeks ay baka ‘yung mga kaso na yan, ay magsimula nang isampa ang mga yan." Natutupad na ng Palasyo ang ipinangako ni Pangulong Benigno Aquino III nitong Setyembre 23 na gawing sunod-sunod ang paghain ng mga kaso laban kay Arroyo ngayong Nobyembre. Nitong Lunes din, naghain ng urgent motion sina Bayan Muna party-list Rep. Teodoro Casiño, dating congresswoman Liza Maza at Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) chairperson Carol Araullo upang patibayin ang reklamo na kanilang inihain laban kay Gng. Arroyo nitong Setyembre. Nais din nilang sampahan ng kasong plunder ang dating Pangulo kaugnay ang anomalous national broadband deal (NBN) na pinasok umano ng kanyang administrasyon kasama ang isang Chinese firm na ZTE Corp. noong 2007. Inaresto si Gng. Arroyo noong Biyernes sa St. Luke's Medical Center sa Taguig para sa kasong electoral sabotage. Siniguro naman ni Aquino nitong Sabado na mabibigyan ng patas na pagkakataon si Gng. Arroyo na ipagtanggol ang sarili mula sa mga kasong isinampa laban sa kanya. Samantala, binalaan ni Sen. Miriam Defensor Santiago ang palasyo nitong Lunes. Aniya, “There is political persecution, there is no due process of law, and there is inherent bad faith in the timing of filing of the case in the regular RTC and consequent issuance of a warrant of arrest." Nitong Linggo, inakusahan ni dating Justice Secretary Raul Gonzales ang Pasay City Regional Trial Court ng pang-aabuso ng kapangyarihan sa kanilang utos na ipa-aresto ang dating Pangulo. Inihayag naman ng counsel ni dating First Gentleman Jose Miguel "Mike" Arroyo na si Ferdinand Topacio na lumabag umano ang Commission on Elections (Comelec) sa kanilang sariling patakaran sa pagpayag nilang sampahan ng kasong electoral sabotage laban kay Gng. Arroyo. Naghain na rin ng petisyon si Mike Arroyo sa Korte Suprema na ipawalang-bisa ang kasong electoral sabotage na inihain laban sa kanyang asawa. Humiling din siya sa high court ng maagap na paghain ng temporary retraining order (TRO) upang pigilan ang DOJ at Comelec na magsagawa ng karagdagang imbestigasyon. Comelec, hindi umano minadali ang kaso Nitong Lunes ng umaga sa panayam ng GMA News TV's "News To Go," inihayag ni Comelec spokesman James Jimenez na hindi umano nila minadali ang paghain ng kaso upang pigilan ang dating Pangulo na umalis ng bansa. Ipinaliwanag niya na ang mga naganap na pangyayari ay “confluence of events" or “serendipity" sapagkat napanahon lamang ang pagtapos ng imbestigasyon ng joint panel sa pagnanais ni Gng. Arroyo na lumisan ng bansa. Itinanggi rin ni De Lima na minadali ang paghain ng warrant of arrest kay Gng. Arroyo. Nitong Martes, handang makinig ang Korte Suprema sa oral arguments nina Mike Arroyo at dating Comelec chairman Benjamin Abalos na tumutuligsa sa legalidad ng Joint Comelec-DOJ panel na nag-imbestiga sa electoral fraud na naganap umano noong 2007 elections. Ayon naman kay Comelec Commissioner Rene Sarmiento, kahit ihayag ng high court ang pagkawalang-bisa ng joint panel, mabisa pa rin ang warrant na inihain laban kay Gng. Arroyo. “We have the sinumpaang salaysay [or] affidavits submitted by the witnesses, so that the Comelec or anybody that will investigate will have something to start with so efforts will not be fruitless," inihayag ni Sarmiento kay GMA News reporter Chino Gaston nitong Lunes. Sa hiwalay na panayam ni GMA News reporter Tricia Zafra, inihayag ni Sen. Lacson ang kanyang pagsang-ayon sa pananaw ng poll commission sapagkat wala umanong makapipigil sa Comelec na ipagpatuloy ang kaso laban kay Gng. Arroyo, at pati na rin paggamit ng mga ebidensyang nakalap. — Amanda Fernandez/RSJ, GMA News