Filtered By: Topstories
News

2 mambabatas, nais na magbitiw si Mrs. Arroyo


Iginiit ng dalawang party-list representatives nitong Martes na kinakailangan nang magbitiw ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo bilang congresswoman ng second district of Pampanga matapos siyang arestuhin dahil sa kasong electoral sabotage. Dahil sa kanyang pagkaaresto, hindi na umano nararapat na ipagpatuloy pa ni Mrs. Arroyo ang kanyang tungkulin bilang mambabatas, ayon kay ACT Teachers' party-list Rep. Antonio Tinio. “Since the electoral sabotage case is just the first of many charges that she will face as she is called to account for the numerous crimes against the people she committed during her presidency, it will become impossible for her to discharge her duties as representative," ani Tinio. Kasalakuyang naka-hospital arrest si Mrs. Arroyo sa St. Luke's Medical Center sa Taguig City matapos siyang sampahan ng Commision on Elections (Comelec) nitong Biyernes sa kasong electoral sabotage kaugnay sa dayaan daw na naganap noong 2007 elections. Ayon naman kay Bayan Muna party-list Rep. Teodoro Casiño, kinakailangang magbitiw si Mrs. Arroyo dahil apektado umano ang imahe ng Kamara ng kanyang kaso. “She has brought embarrassment and dishonor to the House. She should now do the House and her constituents a favor by resigning from Congress," ani Casiño. Ilang buwan nang hindi dumadalo ng sesyon si Mrs. Arroyo simula nang maospital siya nitong Hulyo dahil sa pinched nerve sa spine at multilevel cervical spondylosis. Dagdag pa nito, mayroon din siyang bone mineral disorder at hypoparathyroidism, ayon sa kanyang mga duktor.

A personal matter Hindi naman sang-ayon si House Speaker Feliciano Belmonte Jr. na magbibitiw na si Mrs. Arroyo matapos ang kanyang pag-aresto. “I always thought that in this country, meron pa ring presumption of innocence… At any rate, resignation is a personal matter and hindi naman pwedeng i-force ‘yan," aniya. Ayon sa kanya, naniniwala siya na hindi nasira ng dating pangulo ang reputasyon ng Kamara sapagkat ang mga ibinibintang sa kanya ay nangyari noong hindi pa siya mambabatas. Iminumungkahi naman na ang tatlong iba pang mambabatas ng Panmpanga — pati na rin ang anak ni Mrs. Arroyo na si Ang Galing Pinoy party-list Rep. Mikey Arroyo — na pumalit sa kanya sakaling siya ay magbitiw sa puwesto. - Amanda Fernandez/KBK, GMA News