Filtered By: Topstories
News

Panukalang gawing nat'l day vs impunity ang Nov. 23, inihain sa House


Kasabay sa paggunita ng ikalawang anibersaryo ng Maguindanao massacre, dalawang mambabatas ang naghain ng panukalang naglalayong ideklarang "National Consciousness Day to End Impunity" ang ika-23 ng Nobyembre upang gunitain ang massacre ng 57 katao (at isa pang nawawala) sa Maguindanao noong 2009. Inihain nina Bayan Muna party-list Reps. Teodoro Casiño at Neri Colmenares ang House Bill 5529 “...to instill awareness and spur action on the part of the government and for the people to do something about it," ayon pa sa pambungad ng kanilang panukala. “The people’s clamor and demand for justice should become stronger to compel government and the authorities to take action and prosecute those who are blanketed with impunity," dagdag pa ng mga mambabatas. Sa ilalim ng HB 5529, aatasan ang Commission of Human Rights (CHR) na magsagawa tuwing pagsapit ng Nobyembre 23 ng mga programa sa pagbibigay kaalaman tungkol sa human rights issues at pagpapatibay sa mga karapatang ito. Aatasan din ang CHR na magbigay ng tulong sa civil society groups sa kanilang pagsasagawa ng mga kahalintulad na gawain. Ayon sa mga mambabatas, ang pagkakaroon ng National Consciousness Day to End Impunity ay magpapa-alala sa mga Pilipino na hanggang sa ngayon ang mga gumawa ng ganoong “high crimes" ay hindi pa napaparusahan, at gayun din sinabi nila na “the fight against injustice in the country should continue to broaden and persist." Sasailalim ang panukala sa committee at plenary hearing, at kakailangang sasang-ayon ang majority ng House members bago ipasa ang HB 5529 sa Kamara. Mahigit 57 katao, kabilang na ang ilang miyembro ng pamilyang Manudadatu at ilang media personnel, ang pinatay noong Nobyembre 23, 2009 sa bayan ng Ampatuan. Ang mga biktima ay papunta sana upang maghain ng certificate of candidacy ni Maguindanao Gov. Esmael Mangudadatu, na noo'y Buluan vice mayor. Kasalakuyang umaabot ng 198 na katao, kabilang si Andal Ampatuan Jr., ang kasalakuyang humaharap sa Quezon City court para sa mga kasong multiple murder kaugnay ang naganap na massacre. — Amanda Fernandez /LBG, GMA News