Filtered By: Topstories
News

Ex-Pres Arroyo, ginagamit daw panakip sa kakulangan ng PNoy govt


MANILA – Inakusahan ng oposisyon sa Kamara de Representantes ang administrasyong Aquino na ginagamit lamang si dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo para mapagtakpan ang kahinaan ng gobyerno. Sa pulong balitaan nitong Miyerkules, sinabi ni House Deputy Minority Floor leader Rep. Danilo Suarez, na lalo lamang nakasasama sa ekonomiya ng bansa ang ginagawang panggigipit umano kay Arroyo, kongresista na ngayon ng Pampanga.   Ang ginawa raw na pagbabago ng administrasyong Aquino sa mga polisiya ni Arroyo para makaakit ng mga dayuhang mamumuhunan ay magtataboy lamang sa mga negosyante.   Batay umano sa pinakabagong pagsusuri ng World Bank (WB), ibinaba nito ang growth projections ng Pilipinas sa 4.2 percent ngayong taon, kumpara sa 5 percent.   Samantala, mula sa  dating 5.4 percent ay ginawang 4.8 percent ang growth projection sa susunod na taon. Maaari umano itong naiwasan kung ginamit ng tama ng administrasyong Aquino ang nakalaang pondo ngayong 2011.   Dati nang pinuna ang umano’y pagtitipid na ginawa ng pamahalaan ngayong taon.    “And now we’re finding out that they intended  all along to spend the money—but only by next year, just in time for the start of campaigning for 2013 elections,” anang kongresista. “Sa madaling salita, ipinagpalit nila ang kapakanan ng taumbayan para sa kapakanan ng kanilang partido.” Bunga ng mga kamalian umano ng administrasyong Aquino sa paggamit ng pondo, maraming infrastructure projects sa bansa ang hindi naipatupad sa tamang panahon.   Hanggang ngayon, wala rin daw proyekto na inaprubahan ng ipinagmalaking  Private Public Partnership (PPP) program ng gobyerno ang naipatupad.   Bukod sa pagkaantala ng mga proyekto, sinabi ni Suarez na naging dahilan din ang pagtitipid sa pagdami ng walang trabaho sa bansa.   “Let’s not miss the bigger picture of the problems in our country because of the much-publicized issue on this…. Ano pa ba ang puwede mong gawin para mawala ang atensyon. I-cover up mo,”  pag-akusa ni Suarez.   Nitong Miyerkules, sinabi ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III na lalo siyang magiging agresibo sa paghahabol kay Gng Arroyo na nahaharap na sa kasong electoral sabotage. Inihahanda rin ang iba pang kaso laban sa dating pangulo tulad ng pandarambong.   Sinabi naman ni Deputy Minority Floor leader Rep Milagros Magsaysay na mistulang naging “obsessed” na ang pamahalaang Aquino kay Arroyo.   “Accountability is good, but that is not your ultimate mandate… They are so obsessed with former President Arroyo that they have forgotten to govern in other aspects,” anang kinatawan ng Zambales.   “Sana the same zeal he [Aquino] has in going after former President Arroyo is the same zeal he has in trying to address other problems that are pressing this country,” dagdag ni Magsaysay. - GMA News