Filtered By: Pinoyabroad
Pinoy Abroad

Ombudsman: Mike Arroyo, dapat managot sa choppers mess


Nakakalap ng sapat na ebidensya ang fact-finding panel ng Office of the Ombudsman upang maghain ng reklamo laban sa dating First Gentleman Jose Miguel "Mike" Arroyo at ilan pa kaugnay sa umano'y tiwaling pagbili ng Philippine National Police (PNP) ng mga second-hand chopper dalawang taon nang nakaraan.
 
Sa kanilang 98-pahinang ulat, inirekomenda ng panel na sumailalim sa imbestigasyon sina G. Arroyo at 36 pang indibidwal dahil umano sa kanilang paglabag ng Section 3 (e) at (g) ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
 
Samantala, inirekomenda rin na sumailalim sa isang paunang imbestigasyon ang 16 opisyal at mga tauhan ng PNP na lumabag umano sa Article 171 ng Revised Penal Code sa falsification ng mga opisyal. 21 na opisyal at mga tauhan naman ang inirekomendang sumailalim sa imbestigasyon para sa "Gross Neglect of Duty and Conduct Prejudicial to the Best Interest of Service."
 
Maliban kay G. Arroyo, inirekomenda ring sumailalim sa isang paunang imbestigasyon ang dating Interior Secretary Ronaldo Puno; dating PNP chief Director General Jesus Verzosa; Manila Aerospace Trading Corporation (MAPTRA) president Hilarop de Vera; National Police Commission commissioners Avelino Razon Jr., Miguel Coronel, at Celia Sanidad-Leones; Napolcom Director Conrado Sumanga Jr., and 28 pang ibang opisyal at tauhan ng PNP.
 
Binuo ang panel upang suriin ang ulat ng Senate blue ribbon committee sa kontrobersya at gawan ito ng ulat matapos ang isang linggo. Humiling ang panel ng isang-buwang ekstensyon upang suriin ang "voluminous" na mga dokyumento mula sa Senado.
 
Nauna nang naglabas ng ulat ang Senate committee kung saan kanilang inihayag ang pagkadawit nina G. Arroyo, Puno at ilang opisyal ng PNP na sabwat umano sa pagbebenta sa PNP ng second-hand helicopters na kanilang inangkin na brand new umano.
 
Maliban dito, dawit din si G. Arroyo sa kasong plunder na inihain ng PNP Criminal Investigation and Detection Group.
 
Kaugnay nito, inihayag ng kampo ni G. Arroyo na ang reklamo na inihain ng Ombudsman ay "another round of Arroyo bashing" ng administrasyong Aquino.
 
Nitong 2009, bumili ang PNP ng dalawang Robinson R44 Raven 1 helicopters mula sa Manila Aerospace Trading Corporation (MAPTRA) sa mas mataas na halaga na P104.9 milyon. Mula umano sa Lionair ang choppers na binili ng PNP sa MAPTRA, na kumikilos umano sa utos ni G. Arroyo.
 
Special panel
 
Nitong Miyerkules, binuo ng Ombudsman ang special panel, na magsasagawa ng paunang imbestigasyon, na kinabibilangan nina:
  • Director Manuel Soriano Jr;
  • Director Omar Sagadal; and
  • Director Dennis Garcia.
Binigyan ang panel ng 60 araw upang isagawa ang paunang imbestigasyon at administrative adjudication, at pagsusumite ng ulat at rekomendasyon. — Amanda Fernandez/RSJ, GMA News