Filtered By: Pinoyabroad
Pinoy Abroad

Pamamahagi ng lupa sa Hacienda Luisita, ipinag-utos ng Korte Suprema


Sa botong 14-0, ipinag-utos ng Korte Suprema ang pamamahagi ng may 5,000-ektaryang lupain ng Hacienda Luisita sa may 6,000 magsasaka nito kasabay sa pagbasura ng “stock option” na iminungkahi ng mga may-ari ng lupain.   Pag-aari ng mga kamag-anak ni Pangulong Benigno Aquino III ang Hacienda Luisita, na matatagpuan sa probinsiya ng Tarlac.   Batay sa 56-pahinang desisyon ng Korte Suprema, kinakailangang bitiwan ng 6,296 farmer-beneficiaries ng Hacienda Luisita ang kanilang shares of stocks. Inutusan din nito ang Hacienda Luisita Inc. na bayaran ang beneficiaries ng P1,330,511,500 na nahahati sa:

  • P500 milyon na nakuha ng HLI nang ibenta nito ang 200 ektarya mula sa 500 ektarya na sumasailalim sa Agosto 14, 1996 conversion order.
  • P750 milyon na nakuha mula sa subsidiary ng HLI, Centennary Holdings, Inc., sa nang ibenta nito ang 300 ektarya mula sa 500-ektaryang lupain; at
  • P80,511,500 na binayad ng gobyerno para sa 80.51-ektaryong lupain na ginamit sa SCTEX road network.
Ayon sa korte, hindi papatawan ng taxes, fees, at charges ang transfer ng stocks. Samantala, ang mga non-qualified beneficiaries naman ay mananatiling stockholders ng HLI. Sa ulat ni GMA News reporter Jam Sisante, sabay-sabay na nagtungo ang mga magsasaka sa Korte Suprema nitong Huwebes ng umaga upang magpasalamat sa desisyong may pitong taon ding hinintay. Ayon naman kay Antonio Ligon, tagapagsalita ng HLI, igagalang nila ang naging desisyon ng korte bagama’t pag-aaralan daw muna nila ito bago gumawa ng anumang hakbang. “We still have to look at all angles of the decision, pero ang maganda dito, positive naman itong decision. Walang aversion. We are not against the land distribution ruling,” ani Ligon. Tumanggi naman ang Malacañang na magbigay ng reaksyon hinggil sa desisyon. "We have not seen a copy of the decision yet and we will defer comment until such time," ani presidential spokesperson Edwin Lacierda. - Amanda Fernandez/KBK, GMA News