Filtered By: Showbiz
Showbiz

Mark Herras: Not courting Katrina


Mark Herras talks about rumors linking him to Katrina Halili but sidesteps rumors linking ex-girlfriend Jennylyn Mercado to Patrick Garcia. Nakausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) ang young actor na si Mark Herras January 9 sa taping ng Princess Charming sa Marcos Compound, Quezon City. Siyempre pa, ang una naming tinanong kay Mark ay tungkol sa kanyang lovelife, lalo na ngayo't nali-link siya sa StarStruck batchmate niyang si Katrina Halili. "Zero pa rin. Di naman issue sa akin ngayon ang lovelife, e," bungad na sabi ni Mark. "Ewan ko ba, barkada ko naman yung tao, e. Sabi nga ni Kat, ‘Alam ninyo, ‘yang panliligaw na ‘yan, puwede namang maging totoo ‘yan e. Kung nanliligaw siya. E, hindi naman siya nanliligaw,' sabi niyang ganu'n," kuwento pa ng binata tungkol sa balitang nagkakamabutihan na sila ni Katrina. Inamin ni Mark na lumalabas sila paminsan-minsan ng dalaga, pero palagi raw silang may ibang mga kasama. Never pa raw silang lumabas na silang dalawa lang. Barkada nga raw kasi tingin nila sa isa't isa. Idiniin din ng young actor na hindi niya nililigawan ang young sexy star. "Wala po talaga," giit ni Mark. Pero nilinaw ni Mark na hindi naman ibig sabihin nun ay walang chance na magkaroon sila ng relasyon ni Katrina. "Hindi natin masabi. Kasi baka sabihin ko di ko type yung tao, kasi best friend or barkada ko, tapos biglang...di ba? Ganu'n tayo e, hindi natin alam kung magiging type natin yung tao o hindi. Pero puwede naman siguro. Wala naman siyang boyfriend, wala din akong girlfriend," paliwanag ng binata. JENNYLYN & PATRICK. Kapag si Mark ang kausap, hindi siyempre puwedeng hindi mabanggit ang ex-girlfriend niyang si Jennylyn Mercado. "Okay naman. Wala namang issue sa amin," sabi ni Mark nang kumustahin namin siya tungkol kay Jennylyn. Tuloy pa rin ba ang communication nila? "Ni Jen? Hindi na rin masyado. Siyempre, baka mamaya magalit pa sa akin si Patrick [Garcia]," maingat na sabi ni Mark. So naniniwala siya na sina Jennylyn at Patrick na talaga? Ani Mark, "Ayokong mag-comment about that. Umiiwas lang ako sa gulo, kasi hindi ako sanay sa gulo e. Ako, basta kung anuman ang maging desisyon nila, I'm happy for them." May hurt pa kaya siyang maramdaman kung sakaling umamin sina Jennylyn at Patrick na mag-on na nga sila? "Wala na. Two years na kaming wala ni Jen e," kampante niyang sagot. Masaya ba si Mark na finally ay naka-move on na silang pareho ni Jennylyn? Sabi niya, "Oo. Alam ko matagal na siyang naka-move on. Pero ako, magiging happy ako kung anuman yung magiging desisyon niya." Samantala, nakausap din ng PEP ang dating niligawan ni Mark na si Marian Rivera. Sinabi ng young actress na nagkita na sila ni Jennylyn for the first time at nakapag-bonding na rin sila. Pero ayon pa kay Marian, hindi nila napag-usapan si Mark, ang binatang nagkaroon ng kaugnayan sa kanilang dalawa. "Hindi naman nila ako dapat pag-usapan. Kung anuman yung mga pasts ko sa kanila, dapat sa kanila na lang yun," reaksiyon ni Mark. - Philippine Entertainment Portal