Filtered By: Showbiz
Showbiz

Nadine Samonte nearly burned in fireworks accident


"Pagtingin ko sa baba, nasusunog na itong kaliwang braso ko! Actually, yung costume ko at yung mismong balat ko, nararamdaman ko, mainit na. Pagtingin ko, sunog na! Buti na lang, naka-guwantes ako. Inalis ko agad yung apoy, iniwas ko agad yung mukha ko," recalls Nadine Samonte about the fireworks accident during the taping of Super Twins. Naaksidente kamakailan ang young actress na si Nadine Samonte sa taping ng Super Twins, ang fantaserye ng GMA-7 na pinagbibidahan nila ni Jennylyn Mercado. Ikinuwento mismo ni Nadine sa PEP (Philippine Entertainment Portal) ang nangyari sa kanya sa press con ng Magic Kamison Martes ng gabi, January 29. "Ang nangyari, nanonood kami ng fireworks. May eksena kasi na may mga fireworks, pero hindi po ako kasama sa eksena. Katabi ko si Jennylyn. ‘Tapos ang nangyari po, habang nanonood kami, sabi ni Mama, tumingin ako sa baba kasi may mga naglalaglagan, baka matamaan ang mata ko," panimulang kuwento ni Nadine. "Pagtingin ko sa baba, nasusunog na itong kaliwang braso ko! Actually, yung costume ko at yung mismong balat ko, nararamdaman ko, mainit na. Pagtingin ko, sunog na! Buti na lang, naka-guwantes ako. Inalis ko agad yung apoy, iniwas ko agad yung mukha ko," patuloy niya habang iminumuwestra ang mga ginawa niya. Hindi na rin daw kinailangan na dalhin siya sa ospital dahil nilagyan naman agad ng burn ointment ang nasunog na bahagi ng kanyang katawan na malapit sa balikat. Ipinagpapasalamat din ni Nadine na hindi nasunog ang kanyang buhok dahil nakatali raw ito that time. Samantala, uso ngayon ang split-up o cool-off among showbiz couples dahil sa kawalan ng oras para sa isa't isa. Ilan sa celebrity couples na recently ay either nag-split or nag-cool off dahil sa lack of time ay sina Ara Mina at Polo Ravales, sina Alfred Vargas at LJ Reyes, at sina Angel Locsin at Oyo Sotto. Bagama't medyo late na ay hiningan na rin namin ng reaksiyon si Nadine tungkol sa pag-i-split nina Angel at Oyo, na ex-boyfriend ng young actress. "Wala! Wala, ano'ng magiging reaksyon ko dun? Nakakalungkot lang kasi years na sila. Parang sayang naman. Pero wala akong masasabi, wala akong mare-react. Baka ma-misunderstood na naman ako. Basta sayang, sayang," pag-iwas niya. Kinumusta rin ng PEP kay Nadine ang boyfriend niya for more than one year now na si Emerson Chua. Hindi ba nagiging problema sa kanila ang time para sa isa't isa? "Hindi. Kasi kami, kapag nagkukulang na kami ng time sa isa't isa, naghahanap talaga kami ng araw na... Kasi mahirap yung nakukulangan ka na ng time e. Na nag-uumpisa yung nagkakasawaan na, nagkakaproblema na kayo, nag-aaway na kayo palagi," paliwanag ni Nadine. "Talagang binibigyan namin yung relationship namin ng time. ‘Tsaka sobrang understanding niya, lahat iniintindi niya," sabi pa ng dalaga. Kilala kasi ang mga Chinese sa pagpapahalaga nila sa kanilang kultura, kung kaya hangga't maaari ay gusto ng mga ito na Intsik din ang mapangasawa ng kanilang mga anak. Dahil Chinese ang boyfriend ni Nadine, hindi ba nagkaproblema ang young actress sa mga magulang ni Emerson? "Actually, nagkaroon ng problema nung una. Pero lately, parang um-okay naman. Hindi naman sa mismong family niya kundi sa side ng father niya. Pero okay naman na," sabi ni Nadine, na magse-celebrate ng kanyang 19th birthday sa March 2. Kasama si Nadine sa first season ng Magic Kamison, kung saan kasama rin niya sina Gladys Guevarra, Alfred Vargas, Iwa Moto, Carmi Martin, Mike Gayoso, at Miss Pilita Corrales, sa direksyon ni Khryss Adalia. Magsisimula na itong ipalabas sa February 4, Sunday, sa GMA-7. - Philippine Entertainment Portal