Task force binuo para umapela sa CGFNS
Isang government-private sector team ang binuo para iapela ang desisyon ng US-based Commission on Graduates of Foreign Nursing Schools (CGFNS) na nagbabawal na tanggapin ang mga nursing graduates na pumasa sa June 2006 board exams kung hindi magre-retake sa mga kinuwestiyon pagsusulit. Inihayag ng radio dzBB nitong Lunes na ang pagbuo ng task force ang napagkasunduan matapos ang pulong na ginawa ng Professional Regulation Commission (PRC) at mga nursing groups sa Maynila. Si PRC chairwoman Leonor Rosero ang mamumuno sa task force. Nakatakda siyang umalis patungong US sa Feb. 26. Kabilang sa mga dumalo sa pulong ay ang kinatawan ng Board of Nursing, Philippine Nurses Association, at ang the Association of Deans and Colleges of Nursing. Sinabi ni Rosero na pupulungin ng task force ang mga pinuno ng CGFNS para "ipaliwanag" ang mga pangyayari sa likod ng “kontrobersiyal" na pagsusulit noong nakaraang taon. Idinagdag pa niya na hindi kailangan gastusan ng pamahalaan ang biyahe ng mga kasapi ng task force. -GMANews.TV