Filtered By: Topstories
News

3-term mayor pangtapat ng GO sa anak ni Arroyo


Isang third-termer na alkalde sa Camarines Sur ang itatapat ng Genuine Opposition sa anak ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo na si Diosdado "Dato" sa pagka-kongresista sa unang distrito ng probinsiya. Ipinakilala ng GO sa press briefing sa kanilang headquarters sa Mandaluyong City ang kanilang pambato na si Mayor Sabas Mabulo ng bayan ng San Fernando sa Camarines Sur. "My decision to run came after consultations with a range of resource persons, so I strongly believe that my candidacy [is the right thing to pursue]," pahayag ni Mabulos. Malaki ang paniniwala ni Adel Tamano, tagapagsalita ng GO, na mananalo si Mabulo dahil hindi naman umano tunay na taga-Camarines Sur si Dato. Sinabi pa nito na nagparehistro lamang si Dato sa nasabing probinsiya noong nakaraang taon upang sumunod sa one-year residency requirement ng Commission on Elections. Iniulat kamakailan na inirehistro ni Dato na sa Camarines Sur siya nakatira. "In this election, people should see that the candidate can lead," pahayag ni Tamano. Ayon sa mga ulat sa telebisyon, patatakbuhin ni Mabulo bilang kanyang kapalit sa pagka-alkalde ang kanyang kapatid na miyembro ng Philippine Military Academy (PMA) Class '95. Ang iba pang miyembro ng PMA Class '95 na tatakbo sa kasalukuyang eleksyon ay sina Army Capt. Dante Langkit at Navy Lieutenant Senior Grade Antonio Trillanes IV. Nasangkot si Langkit sa bigong kudeta noong Pebrero 24, 2006, samantalang si Trillanes ay kabilang sa mga lider ng Oakwood mutiny noong Hunyo 27, 2003. Nasa kustodiya ng militar ang dalawang opisyal ng militar. Kumakandidato bilang senador sa ilalim ng GO si Trillanes samantalang si Langkit ay nagnanais na tumakbo bilang kongresista sa Kalinga. Gayundin, iniulat ng dzBB na patatakbuhin ng GO bilang kongresista sa Aklan si Mabeth Garcia na dati umanong campaign organizer ni Pangulong Arroyo. - Amita Legaspi, GMANews.TV