Filtered By: Topstories
News

Loren nagsisisi sa pagsali sa Edsa Dos


Inamin nitong Huwebes ni Loren Legarda, kandidato sa pagkasenador ng oposisyon, na pinagsisisihan niya ang kanyang partisipasyon sa pagpapatalsik kay dating Pangulong Joseph Estrada. “Nagsisisi po kami na nandun sa Edsa 2. Hindi po sana nangyari yun kung nabuksan lamang ang ‘second envelope.’ I just did my job as a senator-judge [in the impeachment trial]," pahayag ni Legarda sa mga mamamahayag sa Nueva Ecija. Noong 2001, bumoto ang mga senador na bumuo sa impeachment court, 11-10, laban sa pagbubukas ng kontrobersiyal na “second envelope" na sinasabi ng prosekusyon ay naglalaman ng bank account ng dating pinuno. Nagresulta ang pagtatalo kung bubuksan ang “second envelope" sa pagwa-walk out ng prosekusyon habang si Legarda ay nakitang umiiyak sa balikat ni Senador Franklin Drilon. Nagdulot naman ang walk out sa pagsasama-sama ng mga tao sa EDSA na humantong sa pag-alis ni Estrada sa Malacanang. Sinabi ni Legarda, tumatakbo sa ilalim ng Genuine Opposition, na umiyak siya “dahil pinigil na ilabas ang katotohanan." “Had the second envelope been opened, this (EDSA 2) would not happen. I want the second envelope opened because I want the truth to come out," dagdag pa nito. “We were in EDSA 2 not because we want to oust President Estrada. We were in EDSA 2 not because we want to install [Gloria Macapagal Arroyo]," pahayag ni Legarda. Sinabi niya na nang magdesisyon ang sumunod na Kongreso na buksan ang “second envelope," nakita na ang bank account ni Jaime Dichaves ang laman nito at hindi ang kay Estrada. Sinabi pa na mula nang mangyari ang EDSA 2 ay wala namang pagbabagong nangyari. Ito rin umano ang dahilan kung bakit nagsisisi rin ang ibang personalidad na sumali sa EDSA 2. “Had the envelope been opened, maybe he (Estrada) managed to finish his term and there had been a closure in the impeachment trial proceedings," pahayag ni Legarda. Nitong Huwebes lamang nagkaroon ng pag-amin si Legarda sa umano’y naging kamalian noon. Bago ito ay hindi nagsasalita ang senador tungkol dito. Sa katunayan, sa panayam sa mga mamamahayag, inulit ni Legarda ang panawagan sa mabilis na paglilitis sa kasong plunder na kinakaharap ni Estrada sa Sandiganbayan. “Yes I agree to that. To be fair to (former) President Erap (Estrada) there must be speedy justice. I think it is also for his own interest. That case has been pending for six years now. He had been detained for years now and yet there is no resolution of the case," pahayag nito. “But that is not the only issue that needs to be afforded justice. Also, all those who have been involved in anomalies in [the] government – the fertilizer fund scam, those involved in electoral fraud – what happened to those cases?" tanong nito. Bukod kay Legarda, isa pang kandidato ng GO ang nagpahayag ng pagsisisi sa kanyang ginawa noong mga nakaraang taon. Sinabi ni dating senador John Osmeña, sa kanilang campaign rally sa Laguna, na humihingi siya ng tawad sa ginawa niyang pagtalikod kay Estrada nang sumama siya sa partido ng administrasyon nang kumandidato noong 2004. Kumandidato si Osmeña, kasama si Sen. Miriam Defensor Santiago, sa K4 noong 2004 presidential elections. Sina Osmeña at Santiago ay pawing miyembro ng minorya na humarang sa pagbubukas ng “second envelope." Nanalo si Defensor subalit natalo si Osmeña makaraan umanong ibasura ng kanilang mga kapartido. - Amita Legaspi, GMANews.TV

LOADING CONTENT