Filtered By: Pinoyabroad
Pinoy Abroad

Gandang Pinay kinilala sa Norway


Isa pang Filipina ang nabigyan ng pagkakataon na makoronahan bilang isa sa mga pinakamagandang dilag sa buong mundo matapos siyang tanghaling Miss Norway-Universe sa katatapos na patimpalak nitong Abril 9, 2007 sa Oslo. Sa mahigit na 1,000 aplikante, 24 na kalahok lamang ang natira sa naturang beauty contest sa Norway kung saan lumutang ang kagandahan ng Pinay-Norwegian na si Kirby Ann Tan Basken, 21-anyos. Nitong Hunyo 2006, kinoronahan din si Kirby bilang Mutya ng Pilipinas-Asia Pacific. Si Kirby ang unang Pinay-Norwegian na lumahok sa Miss Norway kaya naman labis ang kasiyahan ng kanyang mga kababayan sa kanyang pagkapanalo lalo na ang kanyang ina si Gng. Divina Diamente na tubong Calamba, Laguna. Bukod sa korona bilang Miss Norway-Universe, nakuha rin ni Kirby ang titulo bilang Miss Photogenic at tinanghal din siya bilang Olympus New Face of the Year. Dahil sa pagkapanalo ni Kirby, dalawang Pinay ang magiging kalahok sa Miss Universe beauty pageant na gaganapin sa Mexico sa Mayo 28. Si Mutya ng Pilipinas-Universe Ana Theresa Licaros ang kakatawan sa Pilipinas. Unang sumali si Kirby sa kompetisyon ng Miss Norway noong Enero 2006 kung saan pumuwesto lamang siya bilang first runner-up. Nakuha naman niya ang titulo bilang Mutya ng Pilipinas winner at Best in Gown noong Hunyo nang katawanin niya ang Filipino community mula sa Europe. Bagaman isinilang sa Oslo, Norway, hindi na naiiba si Kirby sa Pilipinas dahil nagtrabaho na rin siya sa bansa bilang modelo. Katunayan, lumabas na siya sa ilang TV advertisement para mag-endorso ng ilang produkto tulad ng Bingo biscuits, Johnson’s baby cologne, at Kentucky Fried Chicken. Mahilig daw magsulat si Kirby. May mga naisulat na siyang artikulo para was website ng "Youth for Youth" at para sa radio station na P4’s Guru. Naging host na rin siya sa programang "Tinig Pinoy" para sa mga kabataang Filipino sa Norway. Nagtapos si Kirby ng kursong Mass Communications at beterana na rin ng mga beaty contest. Tinatayang 50 international pageant na ang kanyang sinalihan kasama na ang pag-uwi niya ng titulo bilang Miss Intercontinental Beauty Pageant na ginanap sa Nassau, Bahamas noong Oktubre 2006. Ang kagandahan ni Kirby ay kabilang sa mga itinuturing na “global face of beauty." Ito ay pakahulugan sa isang kagandahan na hindi mawawala ang tatak ng gandang Pinay kahit mahaluan pa ng ibang lahi. - Fidel Jimenez, GMANews.TV