Filtered By: Topstories
News

OFW ayaw tanggapin sa ospital sa Saudi


Sa halip na mga doktor, mga kababayang domestic helper (DH) na tumakas sa kanilang amo ang tumitingin sa maselang kalagayan ni Rosita Crisologo na nakaratay sa bahay-kanlungan ng Philippine embassy sa Riyadh, Saudi Arabia. Sa ulat ng GMA7’s 24 Oras nitong Lunes, isang taon na ang nakalilipas mula nang tumakas sa kanyang amo si Rosita matapos umano siyang pagtangkaan ng masama ng kanyang amo. Nagtungo sa Saudi si Rosita para magtrabaho bilang mananahi. Ngunit bunga ng masamang balak ng amo ay napilitan siyang iwanan ang kanyang sponsor. Ngunit nadagdagan ang problema ni Rosita nang madulas siya sa banyo at tumama ang kanyang dibdib sa gripo nang minsang atakihin ng alta-presyon. Sa pagsusuri, natuklasan pa na may breast cancer si Rosita. Subalit hindi naman siya pinayagang manatili sa pagamutan dahil lumitaw na ilegal na ang kanyang pananatili sa bansa kahit pa inindorso siya ng mga opisyal ng embahada. Kailangan kasi ang residence permit na magpapatunay na legal ang kanyang pagtira sa Saudi. “Tinatanong ako (sa ospital) kung may pera ako, ang sagot ko wala," ani Rosita. Sinabi naman ng opisyal sa embahada na nasa masamang kalagayan na si Rosita nang dalhin sa embahada. “Itong tumakas, nasa labas na matagal na. In fact dinala siya sa atin na ganito na ang kalagayan niya." Gayuman, sinabi ng opisyal sa embahada na maaaring ihatid pabalik sa Pilipinas si Rosita ngunit kailangang mayroon siyang kasamang duktor na susubaybay sa kanyang kundisyon habang naglalakbay. Ngunit hanggang hindi naisasaayos ang kanyang mga papeles, mananatili muna si Rosita sa kalinga ng mga kapwa domestic helper sa shelter ng Philippine embassy na inatasang tumulong sa mga nagigipit na Filipino.-GMANews.TV