Filtered By: Topstories
News

Rep. Mikey Arroyo nairita sa GMA 7 news crew


Halatang nairita si Pampanga Rep. Juan Miguel “Mikey" Arroyo nang madiskubre ng GMA 7 news crew ang pagtitipong ipinatawag ng kongresista sa mga barangay leaders sa Guagua, Pampanga nitong Linggo. Sa ulat ni Kara David para sa 24 Oras ng GMA News, may nadaanan silang isang restaurant na may mga nakaparada sa harap na mga sasakyang may tatak na barangay patrol. Sa pag-aakalang pagtitipon ito ng mga barangay leaders, pinasok ng GMA 7 news crew ang restaurant at agad nilang nabungaran si Arroyo, muling tumatakbong kongresista sa ikalawang distrito ng Pampanga. Ayon kay David, noong una ay halos ipagtabuyan sila palabas ni Arroyo, anak ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo. Ngunit sa huli ay nagpaunlak na rin ito ng panayam sa labas ng restaurant sa kondisyon na aalis din agad ang news team. Paliwanag ni Arroyo, tinitipon lamang niya ang kanyang mga “poll watchers" upang magbigay ng huling mga tagubilin para sa halalan sa Lunes. Ngunit nang tanungin kung bakit ginagamit ang opisyal na sasakyan ng barangay na ikinukonsiderang pag-aari ng gobyerno, dito na nagpakita ng pagkapikon ang kongresista. Mas mabuti umanong ang Comelec na lamang ang tanungin ng news crew sa isyu ng paggamit nila ng mga government vehicles. Narinig din ang batang Arroyo na nagsalita ng, “Humaharap kayo ng butas… wala kaming butas dito, huwag nyo kaming guluhin ha." Sa ilalim ng Sec. 261 ng Omnibus Election Code, bawal gamitin ang mga gamit ng gobyerno sa mga political partisan activities. Hindi rin maaaring gamiting poll watchers ang mga barangay officials. Gamit naman ang camera sa cellphone, pumasok muli ang news crew sa loob ng restaurant. Sa loob ng isang function room, nakita ang isang coordinator ni Arroyo na nagsasalita sa harap ng mga sinasabing mga “poll watcher." Wala si Arroyo sa nasabing function room pero ang bilin ng coordinator nito sa kanilang mga “poll watcher," magiging maaga ang Pasko nito kapag na-zero sa kanilang lugar si Genuine Opposition senatorial candidate Alan Pater Cayetano. - Fidel Jimenez, GMANews.TV