Filtered By: Topstories
News

Pinoy deportee namatay habang naghihintay ng pag-uwi sa Pinas


Isang overseas Filipino worker (OFW) ang namatay sa deportation center sa Jeddah, Saudi Arabia habang naghihintay na makauwi sa Pilipinas, ayon sa ulat ng GMA 7 News 24 Oras nitong Huwebes. Sinasabing napansin ng mga kapwa OFW na nanghihina si Faizal Bandela, 38, tubong Pikit, North Cotabato, kaya agad nilang ipinagbigay alam ang kundisyon nito sa mga opisyal ng konsulada ng Pilipinas. Sinikap naman ng mga doktor na sagipin si Bandela pero namatay din siya kinagabihan. Ayon naman sa asawa ni Bandela na si Tarhata, ang biktima ay namatay sa kumplikasyon nito sa mga sakit kasama na ang alta presyon. Hindi na makauuwi ng Pilipinas ang biktima dahil sa Jeddah na ito ililibing. Tinatayang 750 OFWs ang binigyan ng amnestiya ng pamahalaan ng Saudi Arabia upang kusang magpadeport sa Pilipinas. Nitong Miyerkules, 138 Filipino -- 100 kababaihan at 38 bata -- mula sa Jeddah ang dumating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), bitbit ang kani-kanilang mapait na karanasan sa Saudi Arabia bilang illegal alien o biktima ng pang-aabuso ng malupit na amo. - Fidel Jimenez, GMANews.TV

LOADING CONTENT