Filtered By: Topstories
News

Pamilyang Pinoy magugutom sa P204 kita kada araw


Kulang ang P204 kada araw o P6,120 kada buwan upang matustusan ng sapat ang pangunahing pangangailangan ng isang pamilyang Pilipino na may limang miyembro, ayon sa mga militante at mahihirap na taong nakapanayam ng GMA News. Pinabulaanan ni Renato Reyes, secretary general ng Bagong Alyansang Makabayan, ang paniniwala ng pamahalaan na makasasapat na ang P204 na arawang kita para sa isang karaniwang pamilyang Pinoy sa bansa. Sinabi niya na gumagamit lamang ang pamahalaan ng mga estadistika bilang pruweba diumano na hindi na lumalala ang kahirapan sa bansa. "Subukan n'yong mabuhay ng sa halagang P8,000 buwan-buwan, tingnan natin kung makaranas kayo ng disenteng buhay," ani Reyes sa GMA News. Lumabas sa ulat ng National Statistical Coordination Board (NSCB), ang ahensya ng pamahalaan sa mga usaping estadistika, na sasapat sa pamilya na may limang miyembro ang P6,120 kada buwan upang matamo ang mga pangangailangan nila. Ayon din sa pag-aaral nito, ang mga pamilya na nasa Metro Manila ay kailangang kumita ng higit para makamit ang mga pangangailangan nila sa pagkain at iba pang bagay. Tumaas ng 5.4 porsiyento ang poverty threshold ng isang pamilya sa Metro Manila. Ibig sabihin, kailangan kumita ng isang pamilyang may limang miyembro sa Kamaynilaan ng P275 kada araw o P8,254 kada buwan. Sa Pilipinas, ang murang pagkain sa fast-food na may kanin na ay nagkakahalaga ng P64 kada tao. Samantala, ang gasoline naman ay nasa P34-37 kada litro. Maging ang sine, na paboritong libanagan ng mga Pilipino ay nasa P160 ang patron sa mga pangunahing sinehan sa Metro Manila. Ayon kay Salvador Burgos, isang factory worker na kumikita ng P9,000 sa isang buwan, hindi na siya bago sa pagsisikip ng sinturon sa kanilang barung-barong sa Metro Manila. "Kung hindi ka naman gutom na gutom, hindi ka magmemeryenda kasi kakapusin ka lalo ng budget," aniya. Naniniwala ang pamilyang Burgos na ang mga estadistikang lumabas ay hindi makatotohanan at ang pagbaba ng halaga ng pagkain ang tunay na salamin ng pagbuti ng buhay sa bansa. “Dapat medyo bawasan ng konti (presyo ng pagkain) para hindi mahirapan," ayon kay Lorna, asawa ni Salvador. - Mark J. Ubalde, GMANews.TV

LOADING CONTENT