Filtered By: Topstories
News

Bongbong Marcos tetestigo sa Sandiganbayan laban kay Lucio Tan


Ipinatawag ng Sandiganbayan nitong Biyernes si Ilocos Norte Rep. Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. para tumestigo sa kaso ng pagbawi ng gobyerno sa 60 porsyento ng mga kumpanya ng negosyanteng si Lucio Tan. Pumayag si Bongbong, ang tanging anak na lalaki nina yumaong Pangulong Ferdinand Marcos at First Lady Imelda Marcos, na tumestigo sa korte. Ipinahayag ito ni Bongbong sa pamamagitan ng kanyang abogadong si Eloisa Sy. Si Bongbong at ang kanyang ina ang co-administrators sa mga pag-aari ng dating diktador. Ang mga kumpanyang planong bawiin ng pamahalaan ay ang Fortune Tobacco Corp., Asia Brewery, Inc., Allied Banking Corp., Foremost Farms, Himmel Industries, Inc., Grandspan Development Corp., Silangan Holdings, Inc., Dominium Realty and Construction Corp at Shareholdings, Inc. Sa taong ito, nakapasok muli si Tan sa listahan ng Forbes Magazine bilang ikalawang pinakamayamang Filipino na may personal assets na aabot sa humigit-kumulang $2.3 B. Nanguna ang may-ari ng SM shopping malls si Henry Sy sa listahan. Ang subpoena kay Bongbong ay inilabas ng Sandiganbayan Fifth Division at inuutusan siya na dumalo sa pagdinig sa ganap na 1:30 ng hapon ng Agosto 1. Ang direktiba ng korte ay batay sa hiling ng Presidential Commission on Good Government. Sinabihan si Bongbong na magdala ng 24 na set ng dokumentong magpapatunay na ang pinag-aagawang 60 porsyento ng mga nabanggit na kumpanya ay hinawakan lamang ni Tan para sa mga Marcos. Kabilang sa mga dokumentong ipinadadala sa nakababatang Marcos ay ang kopya ng ‘Brief History of Shareholdings Inc.’ na diumano’y ibinigay mismo ni Tan kay Pangulong Marcos noong 1985. Kasama din ang certified true copies ng deed of sale ng mga individual stakeholders ng siyam na kumpanya na nagbebenta ng kanilang pag-aari sa Shareholdings Inc. Hiniling din ng PCGG kay Marcos na magdala ng kopya ng blank deeds of assignment of shares of stocks sa Supreme Holdings at Falcon Holdings maging ang kopya ng “handwritten notes" ni Mariano Tanenglian tungkol sa “structure" at stocks ng Shareholdings Inc. Stockholder si Tanenglian sa halos limang kumpanya na kinukwestiyon ng gobyerno. Pinangalanan din sina Mrs Marcos at Irene Marcos-Araneta ng PCGG na maaaring tumestigo laban kay Tan. - Mark J. Ubalde, GMANews.TV