Filtered By: Topstories
News

Aktibistang Pinoy humihingi ng asylum sa Canada


Matapos makaligtas sa pananambang kung saan napatay ang kanyang asawa, pinili na ni Dr. Constancio "Chandu" Claver na dalhin ang tatlo niyang anak na babae sa Canada at humingi ng 'political asylum" doon. Isang professional medical doctor at aktibista si Claver. Siya ang pinuno ng militanteng Bayan Muna sa Kalinga at vice chairman ng Cordillera People's Alliance nang tambangan sila ng asawang si Alice Omengan-Claver sa bayan ng Tabuk noong Hulyo 31, 2006, Pinaniniwalaang operatiba ng militar ang nanambang sa kotse ni Dr. Claver habang tinatahak ang intersection sa Tabuk upang ihatid ang kanilang bunsong anak sa paaralan nang paputukan sila ng mga lalaking 'di nakilala. Tinakpan ni Alice ang asawa ng sariling katawan sa putukan. Ang kanilang 11-taong gulang na anak na nasa likod ng sasakyan ay nagalusan ng bala sa mukha pero hindi naman malubha. Kaagad silang isinugod sa ospital kung saan namatay si Alice. Sumali ang Filipino community sa Vancouver at ilang Canadian nationals nitong Sabado sa paggunita ng pamilya Claver sa unang taon ng pagkamatay ni Alice. Ang pagtitipon ay naging tribute kay Alice at sa mahigit 860 biktima ng extrajudicial killings sa Pilipinas. “I hope the death of Alice as well as other victims of extra-judicial killings in the Philippines will not be in vain," sabi ni Dr. Claver. Kasabay ng paggunita, nagdaos din ng misa ang mga pamilya at kaibigan ni Claver sa Tabuk, Kalinga. “I hold the President of the Philippines , Gloria Macapagal Arroyo responsible for my wife’s death, being the Commander-in chief of the Philippine Army," iginiit ni Dr. Claver. “As commander-in-chief, Arroyo is complicit in the killings of these people," idinagdag pa ni Dr. Claver. Hanggang ngayon, hindi pa rin umuusad ang imbestigasyon ng pulisya sa mga umatake sa kanyang asawa, ayon kay Dr. Claver. Dahil dito umapela siya sa mga Filipino at kaibigang Canadians upang mangampanya para mabigyan ng hustisya ang kanyang asawa at lahat ng biktima ng extrajudicial killings. Ang paggunita sa alaala ni Alice ay bahagi ng international campaign—Stop the Political Killings in the Philippines—at sa tulong ng Philippines-Canada Task Force on Human Rights (PCTFHR), alyansa ng mga human rights advocates sa Canada, kung saan ang mga miyembro ay nakikiisa sa ipinaglalaban ng mga Filipino sa loob ng dalawang dekada. Ayon kay Dr. Claver, ang extra judicial killings ay parte ng anti-insurgency plan ng pamahalaan ng Pilipinas na tinatawag na Oplan Bantay Laya o Operation Freedom Watch na nakatuon upang wakasan ang tatlong dekadang giyera sa New People’s Army. Iginigiit ng mga kritiko ng gobyerno na ang counter-insurgency plan na ito ay alinsunod sa US-led global war on terror na pumupuntirya din sa mga sibilyan na miyembro o taga-suporta ng mga progresibong political parties at organizations na kumakalaban sa administrasyong Arroyo. Ayon sa human rights group na Karapatan, umaabot na sa 869 na katao ang pinaslang, 180 dito ang dinukot at mahigit 1 milyon ang napaalis sa tinitirahan mula ng manungkulan si Arroyo noong 2001. Karamihan sa mga biktima ay miyembro ng political parties at people’s organizations na laban sa rehimeng Arroyo na inaakusahanng pandaraya sa eleksyon, corruption at iba pa. Ang party-list group na Bayan Muna ay nawalan ng mahigit 100 lider at miyembro mula noong 2001. sa kasalukuyan, si Dr. Claver ay miyembro ng grupong Hustisya, na nakatuon sa mga biktima at kamag-anakan ng tinaguriang “state terrorism." Ang kanyang testimonya ay ginamit sa ikalawang sesyon ng Permanent People’s Tribunal laban kay Pangulong Arroyo at US President George Bush noong Marso sa Hague, Netherlands. Ang pamahalaan nina Bush at Arroyo ay parehong napatunayang guilty sa pagkakamit ng paglabag sa mga karapatang sibil at political, ekonomiko, at karapatang pangkultura maging sa rights to national liberation and self-determination. Nitong nakaraang Nobyembre, isang delegasyon ng siyam na Canadians na binuo ng PCTFHR ang nagtungo sa Pilipinas upang imbestigahan ang sitwasyon ng karapatang pantao sa bansa. Lumabas sa pagsisiyasat na ang militar at gobyerno ay nasa likod ng pamamaslang at pagpapaigting ng militarisasyon sa bansa. Ilalabas nila ang ulat sa Setyembre. Tinitingnang mabuti ng PCTFHR ang kahilingan ni Dr. Claver na maging refugee sa Canada dahil isa pa ring demokratikong bansa ang Pilipinas para sa pamahalaan doon. Sa kabila ng pagkundena ng internasyonal na komunidad sa Pilipinas, kasama na ang ulat ni Philip Alston, UN Special Rapporteur on Extra-judicial Killings and Enforced Disappearances, and Amnesty International, nagpahayag lamang ng pagkabahala ang Canada sa sitwasyon sa Pilipinas. Hinihingi na ng PCTFHR sa pamahalaan ng Canada na iurong ang kanilang military, bilateral and multilateral aid from the Philippines. Hinihiling din ng Canadian Parliament na magagawa ng pagdinig sa sitwasyon ng karapatang pantao sa bansa. - Mark J. Ubalde, GMANews.TV