Filtered By: Showbiz
Showbiz

Iza Calzado is Ken Zhu's leading lady in 'Batanes'


Si Iza Calzado na ang tiyak na gaganap na leading lady ng F4 member na si Ken Zhu sa sa pelikulang gagawin nito sa Pilipinas, ang "Batanes: Sa Dulo ng Walang Hanggan" ng Ignite Media Films. Nakausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) ang direktor ng pelikula na si Adolf Alix. Nilinaw niya ang naunang naisulat na si Jennylyn Mercado raw ang gaganap na leading lady ni Ken sa pelikula na isu-shoot sa Batanes mismo. Nilinaw rin ni Adolf na walang nang-agaw ng role kay Jennylyn. "Kay Judy Ann Santos po unang in-offer ng Ignite Media Films ang movie noong ginagawa pa nila ang Ouija," kuwento ni Adolf. "Gusto po ni Juday ang movie," patuloy niya, "kaya lang, wala na siyang paglalagyan sa punumpuno niyang schedule. Ang suggestion niya, si Iza Calzado raw ang kunin namin. Nang i-offer namin kay Iza, problema rin ang schedule niya dahil papunta siya ng Toronto, Canada para sa shooting niya ng The Echo. Wala pa kaming katiyakan kung makukuha namin si Iza. "As producer, dapat mayroon kaming kunin para kung sakaling hindi puwede si Iza, mayroon kaming magiging artista. May nag-suggest po na si Jennylyn Mercado nga raw. Pero binigyan lang namin siya ng script for reading, pero hindi po namin sinabing siya na ang kukunin namin. "Kaya lang, naayos ang schedule ni Iza, pati ang schedule ng shooting niya ng Desperadas sa Regal Entertainment. Wala na rin siyang TV show dahil katatapos lang niya ng Impostora. Babalik po sa bansa si Iza sa September 23, kaya tamang-tama sa schedule na ibinigay din sa amin ni Ken. Kaya pag-akyat namin sa Batanes, tuluy-tuloy na ang shooting namin," ani Adolf. - Philippine Entertainment Portal