Filtered By: Topstories
News

Frat hazing sa UP kinundena


Nagmartsa ang mga estudyante ng University of the Philippines-Diliman sa loob ng campus nitong Biyernes bilang protesta at upang kundenahin ang pinakahuling biktima diumano ng frat hazing sa unibersidad na si Cris Anthony Mendez. Nakasuot ng itim at may hawak na placards ang mga kamag-aral at guro ni Mendez sa UP National College of Public Administration and Governance (NCPAG), ayon sa ulat ng QTV Balitanghali. Sinisi ng magulang ni Mendez ang Sigma Rho fraternity sa pagkamatay ng kanilang 20-taon gulang na anak na dapat sana’y magtatapos na ng pag-aaral sa darating na Oktubre. Upang ipahayag ang saloobin ng mga mag-aaral, isang estudyante ang nagbasa ng pahayag na: “Hindi katanggap-tanggap ang inyong ginawa. Hindi kayo patutulugin ng inyong mga konsensya. Hindi rin namin kayo patutulugin hanggang patuloy niyong ikinukubli ang katotohanan sa mga pangyayari. Sana ay hindi mangyari sa inyong mga minamahal ang nangyari sa aming kaibigan." Hindi pa naglalabas ng official findings ang pulisya tungkol sa kaso. Nanawagan ang Student Alliance for the Advancement of Democratic Rights in UP (Stand-UP) sa 13 fraternities at sororities na miyembro nito na ipagpatuloy ang sinimulan ni Mendez sa kanyang panunungkulan bilang student council member. "Living up to these ideals will not only avert fraternities from the deeply embedded culture of violence, but will also mark their significant placement in society," pahayag nila. Ayon sa dzBB radio, nagtipon-tipon ang mga mag-aaral sa Palma Hall sa UP matapos ang pagmartsa. - Mark J. Ubalde, GMANews.TV