Filtered By: Topstories
News

Sakop ng EO 464 si Poblador - Apostol


Maaaring hindi payagan ng Malacañang na dumalo sa imbestigasyon ng Senado sa “Hello, Garci" wiretapping controversy si Undersecretary Remedios “Medy" Poblador. Ayon kay Sergio Apostol, presidential chief legal counsel, saklaw ng Executive Order 464 si Poblador. Ang EO 464 ay kautusan na inilabas sa kasagsagan ng naunang imbestigasyon ng "Hello, Garci' wrietapping noong 2005. Sa ilalim nito, kailangan munang humingi ng pahintulot kay Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ang mga opisyal ng Malacañang, pulisya at militar bago makadalo sa imbestigasyon ng dalawang sangay ng Kongreso. “The Palace may still refuse based on that decision. Even if the Senate will comply with the requirements, the Palace can still refuse," pahayag ni Apostol. Samantala, iginiit ni Cabinet Secretary Ricardo Saludo na hindi inutusan ng Palasyo si Poblador na pigilan si Vidal Doble na ibunyag ang pinanggalingan ng “Garci" tapes. Nakapaloob sa tapes ang natiktikang pag-uusap diumano nina Pangulong Arroyo at dating elections Commisioner Virgilio Garcillano. Pinag-usapan diumano ng dalawa kung paano masisiguro ang isang milyong lamang ni Mrs. Arroyo sa boto ng kanyang pinakamalapit na kalaban sa resulta ng 2004 presidential elections. Sinabi ni Saludo na boluntaryong nag-alok ng tulong si Poblador upang mamagitan sa mga opisyal ng simbahan at militar sa tensyonadong sitwasyon sa San Carlos Seminary (SCS) noong June 2005. Sa isinagawang pagdinig ng Senado sa “Hello Garci" scandal noong Biyernes, ikinuwento ni Doble na nakita nya si “Medy" sa quarters ni dating Armed Forces chief of staff Gen. Efren Abu matapos siyang ihatid doon ni Bataan Bishop Socrates Villegas mula sa seminaryo sa Guadalupe, Makati City. Noong Sabado, nagpahayag si Sen. Panfilo Lacson na maraming dapat ipaliwanag si Poblador tungkol sa pag-alok niya ng tulong kay Doble kapalit ng hindi pagtestigo nito sa “Hello,Garci" probe. Ayon kay Lacson, kailangang ipaliwanag ni Poblador kung bakit mayroon siyang kapangyarihan na mag-utos na magpalipad ng helicopter para sunduin si Bishop Villegas mula sa Bataan at mag-alok ng tulong sa asawa ni Doble. - Mark J. Ubalde, GMANews.TV