Filtered By: Topstories
News

Unang paboritong kulay ni Cory Aquino


Kilala si dating Pangulong Corazon “Cory" Aquino sa kanyang “trade mark" sa pagsuot ng mga damit na kulay dilaw. Pero alam nyo ba na hindi dilaw ang kulay na kanyang unang naging paborito. Si Aquino, mas kilala sa tawag na “Tita Cory" ang kauna-unahang babae na naging lider ng bansa. Nagsimulang mapalapit sa kanya ang kulay dilaw matapos irekomenda ng kanyang mga kaibigan ang awiting “Tie A Yellow Ribbon" para sa pag-uwi ng kanyang kabiyak na si dating Senador Benigno “Ninoy" Aquino Jr. Na-exile sa Amerika si Ninoy dahil sa pagiging kritiko ni dating Pangulong Ferdinand Marcos. Agosto 21, 1983 nang umuwi sa Pilipinas si Ninoy. Ngunit pinaslang siya sa tarmac ng dating Manila International Airport na ipinangalan sa kanya. Ang kulay dilaw ay nagsilbing kulay ng protesta sa pagpanaw ni Ninoy. Matapos magluksa at pagsusuot ng mga itim na damit, nagpasya si Tita Cory na gawin dilaw ang kulay ng kanyang mga kasuotan. Ngunit pag-amin ni Tita Cory sa programang “Kapuso mo, Jessica Soho," pula ang una niyang paboritong kulay bago niya nakahiligan ang dilaw. - GMANews.TV