Filtered By: Topstories
News

NUJP nababahala sa sigalot ng PDI at ilang senador


Labis na nababahala ang National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) sa plano ng ilang senador na i-contempt ang reporter ng isang pahayagan dahil sa pagtanggi nito na isiwalat ang source sa kanyang istorya tungkol sa “executive hearing" ng Senado kaugnay sa isinagawang imbestigasyon sa kontrobersiyal na P329.4 milyong kontrata sa national broadband network (NBN) project. Sa isang pahayag nitong Miyerkules, pinuna rin ni Jose Torres, chairman ng NUJP, ang hakbang ng Senado na imbestigahan ang Philippine Daily Inquirer (PDI), at amyendahan o ibasura ang batas na nagbibigay proteksyon sa mga mamamahayag na huwag pangalanan ang kanilang mga impormante sa isinusulat na artikulo. Una rito, inilabas ng PDI nitong Linggo ang istoryang isinulat ni Juliet Labog-Javellana tungkol sa pagharang umano ni Sen. Joker Arroyo kay dating National Economic and Development Authority (NEDA) Secretary Romulo Neri na isiwalat ang nalalaman nito sa NBN project sa isinagawang “executive hearing" ng Senado. Mariing pinabulaanan ni Arroyo na pinigilan niyang magsalita si Neri at kinastigo ang ulat ni Javellana na pawang “sources" ang pinagkunan ng impormasyon tungkol sa nangyaring pagdinig. Nitong Martes, naghain ng resolusyon si Arroyo upang hilingin sa Senado na imbestigahan ang PDI kaugnay sa nasabing istorya na sinuportahan naman ng ilang senador. Isa sa mga sumuporta kay Arroyo, si Sen. Juan Ponce Enrile ay nagmungkahi na i-contempt si Javellana kapag nagmatigas itong huwag pangalanan ang kanyang mga impormante. Ang mungkahing ito ni Enrile ay hindi umano katanggap-tanggap, ayon kay Torres. "This is intimidation and a violation of the principles of press freedom. This is unacceptable," giit ni Torres. Iminungkahi rin ni Enrile na rebisahin kung dapat amyendahan o ibasura ang Republic Act No. 53 na mas kilala sa tawag na “Sotto Law" na nagbibigay proteksyon sa mga publisher, editor, columnist at lehitimong manunulat upang hindi sila piliting isiwalat ang katauhan ng kanilang mga impormante o source sa mga isinusulat na artikulo. "Protection of confidential sources of information is also an obligation for journalists and key to getting informants to come forward. This is particularly important in uncovering, among others, corruption in government," paliwanag ni Torres. Sinabi ni Torres na malaking tulong sa malayang pamamahayag ang Sotto Law dahil binibigyan nito ng proteksyon ang mga manunulat laban sa panggigipit ng ilang tiwaling pulitiko at opisyal ng gobyerno na nagiging paksa ng artikulo. "If the Press Freedom Law is repealed or weakened, sources would be deterred from coming forward and the public would remain uninformed about vital matters," pangamba ni Torres. Nitong Martes, nanindigan ang PDI sa istorya ni Javellana at idineklarang hindi isisiwalat ang kanilang impormante. "The NUJP supports Ms. Labog-Javellana and the Inquirer in their decision…The fact that these shameful actions are being initiated by senators, who should know that protection of journalists' sources is an essential part of press freedom, makes it even more reprehensible," diin ng NUJP. - Fidel Jimenez, GMANews.TV