Filtered By: Topstories
News

Pausok sa lamok hindi mabisa laban sa dengue - DoH


Nagbabala ang Department of Health (DOH) nitong Huwebes laban sa isinasagawang “fogging blitz" ng mga lokal na opisyal matapos maglabas ng alerto ang departamento kontra sakit na dengue sa buong bansa. Ayon kay Dr Eric Tayag, pinuno ng DOH - National Epidemiology Center, maaaring mas makasama pa ang pagpapausok sa kapaligiran dahil magbibigay lamang ito ng maling paniwala ng kaligtasan sa mga residente ng lugar na binomba ng usok. "We are concerned that after we issued a nationwide dengue alert after recording 4,000 new cases, some officials will go on a fogging operations blitz," ayon kay Tayag sa panayam ng dzBB radio. Iginiit din niya na ang fogging operations ay masyadong magastos at hindi naman napupuksa ang mga pinamumugaran ng lamok na may dengue. Ang masama pa rito, ginagamit ng ilang pulitiko ang operasyon upang mangampanya dahil sinisiguro nilang malalaman ng mga residente na ginastusan nila ang fogging operation. Ayon kay Tayag, ang pinakamainam pa rin na solusyon ay hanapin at sirain ang breeding grounds ng mga lamok, katulad ng mga lata o anumang bagay na nagiging deposito ng tubig at binabahayan ng lamok. Idineklara ng DOH ang nationwide alert kontra dengue matapos nitong makapagtala ng 24,000 kaso ng dengue mula Enero hanggang Setyembre nitong taon habang may 283 na namatay na ring naitala. Batay sa talaan ng DOH, sinabi ni Tayag na sa 24,689 kaso, 4,000 ay naitala nitong Setyembre lamang. Inaasahan na raw ng gobyerno na tataas pa ang insidente ng dengue cases sa mga darating na linggo sa kasagsagan ng tag-ulan. Nauna nang sinabi ng mga weather forecaster na nagsisimula na ang La Niña sa bansa. Ang La Niña ay isang hindi pangkaraniwang panahon na may dalang malakas at palagiang pag-ulan. Nagbigay ng babala ang mga opisyal ng DOH sa publiko upang paalalahanan silang maglinis ng kapaligiran at masigurong walang pamugaran ang mga lamok. Maiiwasan diumanong dumami ang mga lamok na may dengue kung malinis ang paligid. Samantala, sinabi ni Tayag na magsisimula na sa Oktubre 25 ang isang buwan ng kampanya laban sa sakit na malaria para sa mga batang mula siyam na buwan hanggang apat na taong gulang. Magtutungo ang health workers sa bahay-bahay upang magbigay ng bakuna sa mga bata. - Mark J. Ubalde, GMANews.TV

Tags: dengue, fogging