Filtered By: Topstories
News

Piniratang CD ng laban ni Pacquiao at Barrera ibinebenta


Naglipana sa Kamaynilaan ang mga piniratang kopya ng katatapos lamang na laban ni Manny Pacquiao kay Marco Antonio Barrera ng Mexico nitong Linggo. Ayon sa ulat ng dzBB radio nitong Lunes, maraming video compact discs ng laban ng pambansang kamao ang inilalako sa mga bangketa sa Metro Manila mula pa Linggo ng gabi. Binanggit sa ulat na ibinebenta ng P25 hanggang P30 ang bawat kopya ng CD sa Caloocan-Malabon-Navotas-Valenzuela (Camanava) district. Malinaw din diumano ang kopya ng mga naturang CD na tinanggal na ang mga commercial break. Samantala, mas mahal namang ibinebenta ang CD at digital video discs na kasama ang under card matches. Hindi naman binanggit sa ulat kung nakuha mula sa coverage ng GMA Network o ng Solar Sports ang kuha ng laban. Nitong Linggo (Sabado sa Las Vegas), pinatunayan ni Pacquiao na mas lamang siyang mandirigma kaysa kay Barrera matapos ang bakbakan sa Mandalay Bay Event Center sa Las Vegas, Nevada kung saan tinanghal na panalo si “Pacman" sa desisyon ng lahat ng huwes. Matapos ang 12 rounds ng bakbakan, nagbigay ng score ang mga judges: Jerry Roth, 118-109; Glenn Trowbridge 118-109; at Tom Schreck 115-112, lahat para kay Pacquiao. Samantala, naghahanda na ang mga kababayan ni Pacquiao sa General Santos City para sa isang mainit na pagsalubong sa pagbabalik nito sa Biyernes. Subalit, tikom pa rin ang bibig ni Pacquiao sa kanyang plano at sinabing lalasapin muna niya ang kanyang pagkapanalo sa pagbabalik niya sa Pilipinas. Ang GMANews.TV ay ang official website ng GMA News and Public Affairs, isang dibisyon ng GMA Network Inc. - Mark J. Ubalde, GMANews.TV