Filtered By: Pinoyabroad
Pinoy Abroad

Ilang paglilinaw tungkol sa Lupang Hinirang


Ilang Paglilinaw ukol sa Lupang Hinirang: Ang Pambansang Awit ng Pilipinas ni Genaro R. Gojo Cruz Maalikabok na daan Ang lagi kong nilalakbay, Marating ang paaralan bago mag-Lupang Hinirang. Naging mainit na usapin ngayon ang ukol sa pag-awit ng Pambansang Awit ng Pilipinas, ang Lupang Hinirang. Patunay lamang ito na may kamalayan ang mga Pilipino sa halaga ng Pambansang Awit bilang batayan ng pag-ibig sa bayan at pagka-Pilipino. Magandang pagkakataon ito upang balikan at talakayin ang kasaysayan ng ating Pambansang Awit. Higit na mainit ang usapin ukol sa pag-awit ng Lupang Hinirang nang aksidenteng makalimutan ng kilalang mang-aawit na si Christian Bautista ang ilang salita ng Lupang Hinirang nang awitin niya ito sa Exhibition Bout sa laban nina si Jerry Peñalosa at Concepcion Bernabe. Ganito ang naging pagkakamali ni Bautista: Sa halip na: Lupa ng araw ng luwalhati’t pagsinta Buhay ay langit sa piling mo Aming ligaya nang pag may mang-aapi Ang mamatay ng dahil sa iyo. ay naging: Lupa ng araw ng luwalhati’t pagsinta Ang mamatay ng dahil sa iyo. Naging usap-usapan at napabalita sa media, lalo na sa mga blog ang pagkakamaling ito ni Bautista. Mababasa sa mga blog ang mga mensahe ng ilang nagpahayag ng kanilang pananaw o pagkadismaya. Ganito ang naging pananaw ng ilan: Christian Baustista’s own rendition of Lupang Hinirang was a big disappointment. If i were to ask, Bautista’s shortcut version of the National Anthem is not something to be proud of. It loses the dignity of our nation. This is not a funny joke nor a mere mistake. Nakakahiya! He should be penalized for that. There’s such a thing as the Republic Act 8491 or the Flag and Heraldic Code of the Philippines which states that any person or juridical entity which violates any of the provisions of the Act shall, be punished by a fine of not less than 5,000 nor more than P20,000 or by imprisonment for not more than one year, or both such fine and imprisonment, at the discretion of the court. (chapter 7 Section 50). Kahit kaya n'ya bayaran 'yung fine, the point is it is such an embarrassment for Filipino and especially on his part as a Filipino, even if foreigners wouldn’t understand the whole song or wouldn’t know the difference. Binabayaran sila para kumanta…binabago nila ang tono at 'di nila isinasaulo. Batay sa ilang mensaheng ito na aking kinuha, mahihinuhang sensitibo ang mga Pilipino sa pagpapahayag ng kanilang kaakuhan o identidad bilang Pilipino, lalo na kung may partikular na awdyens na pinagtutuunan o pinatutunguhan ang pagpapahayag na ito. Ang wastong pag-awit ng Lupang Hinirang ay isang mahalagang pagkatataon upang maipakilala ang lahing Pilipino sa ibang bansa, na bagama't dumanas ng kay raming hirap sa kamay ng mga dayuhan ay lumaya at nanatiling matatag. Bagamat nasa wikang Filipino ang Lupang Hinirang at 'di naman naiintindihan ng mga banyaga, ang ating tuwid na pagtindig, paglalagay ng kamay sa kanang dibdib, at sa taglay na ritmo nito, ay sapat ng mga batayan upang maipahayag ang ating pag-ibig sa bayan, na kahit sariling buhay ay kayang ibigay para sa bayan. Samakatuwid, 'di matanggap o maintindihan ng ilang mga Pilipino, na kung paanong ang pag-awit ng Lupang Hinirang na itinuturo na sa isang bata pagkatuntong pa lang niya sa paaralan, ay makakalimutan ng isang kilala at Pilipinong mang-aawit. Matinding pagkapahiya at pagdismaya ang kanilang naramdaman, lalo’t napapanood ito 'di lamang sa Pilipinas kundi sa buong mundo. Ngunit walang taong perpekto 'ika nga, kahit kangino ay maaaring mangyari ang nangyari kay Bautista. May posibilidad pa ring makalimutan ang isang awit kahit ito ay nasa sistema na ng ating pagkatao at pag-iral o kahit buong-puso na itong inaawit. Kung minsan o madalas, maski tayo ay nakakalimot. Nakakalimutan din naman natin na tayo ay Pilipino o ang ating pagka-Pilipino. Humingi ng tawad si Bautista na tila hiwalay siya sa sambayanang Pilipino. Ganito ang kanyang sinabi: "I apologize to the Filipino People for the lapse of memory that occured yesterday during my rendition of the National Anthem. I was recovering from a cold and the adrenalin and excitement of the moment got me through it. Unfortunately, it was at the cost of a momentary lapse on my part. I promise that my next rendition of our National Anthem will be faultless." Bukod kay Bautista, nauna nang umani ng batikos sa pag-awit ng Lupang Hinirang ang isa pang mang-aawit na Bautista na si Jennifer Bautista sa laban nina Manny Pacquiao at Erik Morales sa Thomas & Mack Center noong Enero 21, 2007. Bukod sa wala raw sa tonong pag-awit ni Jennifer Bautista, marami ang nainis dahil ginawa niyang pop ang pag-awit ng Lupang Hinirang, at sa huli ay “sumablay" pa na mariin namang itinanggi ni Jennifer. Tulad ng kay Christian, marami rin ang naglagay ng kanilang mensahe sa mga blog ng kanilang pagkadimasya sa sinasabing “pagkakalat" ni Jennifer. Tulad ni Christian, may ibinigay ding dahilan si Jennifer kung bakit nangyari ito. Ayon sa kanya, maingay ang mga tao sa loob ng venue kaya hindi niya marinig ang tugtog. Matapos na maipanalo ni Pacquiao ang laban, tinawag na “Lucky Charm Diva" si Jennifer. Itinuturing siyang “lucky charm" ni Pacman matapos siyang sumigaw ng “Laban, Pacman!" pagkatapos niyang awitin ang Lupang Hinirang. Sa mga blog na aking napuntahan, binatikos din ng marami ang mali at ibang pag-awit ng Lupang Hinirang nina Geneva Cruz at Sarah Geronimo. Ang pagkakaawit ng dalawa ay iba rin raw sa kanilang nakagisnan o nakagawian nilang pag-awit ng Lupang Hinirang. Paano nga ba dapat awitin ang Lupang Hinirang? Ano dapat na maging bilis nito? Anong bersyon ang dapat gamitin o sundin? Maaari nga bang baguhin ang pag-awit? Ganito ang nakasaad sa Batas Pambansa/Republic Act 8491 na may pamagat na Flag Heraldic Code of the Philippines of 1998: Lupang Hinirang "shall be in accordance with the musical arrangement and composition of Julian Felipe." Ngunit kung susundin nang literal ang nakasaad sa batas na dapat awitin ang Lupang Hinirang batay sa orihinal sa areglo ni Julian Felipe, lahat pala tayo ay matagal ng nagkakasala at dapat na maikulong. Hindi natin dapat inaawit ang Lupang Hinirang dahil wala namang titik ang orihinal na komposisyon ni Julian Felipe. May dalawang bersyon ng Lupang Hinirang na naisulat si Felipe, ang bersyon sa piyano at isang bersyon sa banda o musiko, na may dalawahan o palakumpasang 2/4. Samakatuwid, ang Lupang Hinirang ay nagsimula bilang isang instrumental na martsa na unang ipinarinig sa sambayanang Pilipino sa proklamasyon ng Kalayaan ng Pilipinas noong ika-12 ng Hunyo 1898. Ang instrumental na martsang ito na komposisyon ni Felipe ay may pamagat na Marcha Filipina Magdalo, at pinalitan ng Marcha Nacional Filipina, matapos na maging pambansang martsa ito ng Pilipinas. Naging tanyag ang martsang ito. Mahigit isang taon na nanatiling walang lyrics o salita ang komposisyon ni Felipe. Ngunit sa pagtatapos ng buwan ng Agosto noong 1899, isang batang makata at sundalo ang sumulat ng tulang may pamagat na Filipinas sa wikang Kastila, si Jose Palma (nakababatang kapatid Dr. Rafael Palma). Ang tulang ito ni Palma ang naging liriko ng pambansang awit, na unang nalathala noong Setyembre 3, 1899 sa isyu ng La Independencia sa unang pagdiriwang nito. Samakatuwid, ang orihinal na lyrics ng Lupang Hinirang ay nakasulat sa wikang Kastila. Ngunit sa panahon pananakop ng mga Amerikano, ipinagbawal ang pag-awit ng Lupang Hinirang sa pamamagitan ng pagpapatibay ng Flag Law. Noong 1919, iniutos ng pamahalaan ng Amerika na isalin ang Lupang Hinirang sa wikang Ingles. Ang salin sa Ingles ng Lupang Hinirang na tinawag na "Philippine Hymn", ay isinagawa nina Senator Camilo Osías , ng isang Amerikano, at ni Mary A. Lane. Ang “Philippine Hymn" ay naging legal at opisyal sa pamamagitan ng pagpapatibay rito ng Kongreso noong 1938. Noong 1920, upang mas higit na madaling awitin ang Lupang Hinirang, ginawang apatan o palakumpasang 4/4 mulang orihinal na dalawahan o palakumpasang 2/4 at ang key ay pinalitan ng G mulang orihinal na C major. Tuluyan lamang naangkin at naramdaman ng mga Pilipino ang mensahe ng Lupang Hinirang nang isalin na ito sa wikang Tagalog noong 1940. Ang tanyag na salin sa Tagalog na O Sintang Lupa ay isinagawa nina Julian Cruz Balmaceda, Ildefonso Santos at Francisco Caballo. Ang O Sintang Lupa ay naging opisyal na pambansang awit ng Pilipinas noong 1948. At sa panahon ni Pangulong Ramon Magsaysay, bumuo siya kasama ni Gregorio Hernandez, na noon ay Kalihim ng Edukasyon, ng isang komisyon na magrerebisa ng lyrics ng Lupang Hinirang. At noong Mayo 26, 1956, inawit na ang pambansang awit ng Pilipinas, ang Lupang Hinirang. Dumaan pa rin sa bahagyang rebisyon ang lyrics ng Lupang Hinirang noong 1962. Ang bersyong ito ang kinikilala at ginagamit natin sa kasalukuyan. Ito ay napoprotektahan ng Republic Act No. 8491 o ng Flag and Heraldic Code of the Philippines. Nakasaad dito na dapat awitin ang Lupang Hinirang sa Wikang Pambansa ng Pilipinas, sa Wikang Filipino, sa loob o labas man ng bansa. Mayaman ang kasaysayang pinagdaanang ng Lupang Hinirang bilang pambansang awit ng Pilipinas at mahalagang matutunan natin itong balikan. 'Di dapat makaligtaan ng bawat Pilipino ang layunin ng pagkakalikha ng Lupang Hinirang na pag-alabin ang damdamin makabayan ng mga Pilipino, sa panahong di pa taglay ng Pilipinas ang wagas na kalayaan. Dahil nasa batas rin na dapat awitin ang Lupang Hinirang kung kasali ang Pilipinas sa anumang pandaigdigang patimpalak, natutunan sanang awitin ito nang tama. Sundin ang orihinal na bersyon na dalawahan o sa palakumpasang 2/4, at di dapat sa apatan o palakumpasang 4/4. Mapapansing malimit na ginagamit na pagkakataon ang pag-awit ng Lupang Hinirang sa mga pandaigdigang patimpalak o palakasan tulad ng boxing, upang maipakita ng umaawit ang kanyang sariling istilo o husay sa pag-awit. Ginagamit na pagkakataon ito ng mang-aawit upang maipakilala ang sarili bilang isang mahusay na mang-aawit, lalo na’t mapapanood ito sa buong mundo. Dahil dito, maraming Pilipino ang nadidismaya sa pag-awit ng Lupang Hinirang, dahil mas lumulutang ang personalidad ng mang-aawit kaysa kabuuang damdamin at kabayanihan ng mga Pilipino. 'Di natin masalamin ang ating sarili sa pag-awit ng Lupang Hinirang. Nakakalimutan ng mang-aawit na kailangan niyang awitin ang Lupang Hinirang 'di bilang siya lamang, kundi bilang kinatawan ng sambayanang Pilipino. Ngunit sa huling laban ni Pacquiao kay Barrera sa Mandalay Bay Resort, marami ang natuwa kabilang ang National Historical Institute (NHI) sa wastong pag-awit ng Lupang Hinirang ni Kyla. Naramdaman ng marami ang tunay na pagkapanalo. Maaaring natuto na si Kyla sa pagkakamali ng mga unang umawit ng Lupang Hinirang sa mga laro ni Pacquiao. Ngunit higit sana nating matutunan na isagawa ang magandang mensahe ng ating Lupang Hinirang. Ang taglay ng kasaysayan at kagandahan nito ay sapat na upang alalahanin at tuparin natin ang ating mga tungkulin bilang mga Pilipino. Mapalad tayong mga Pilipino sa kasalukuyan dahil narito tayo sa Lupang Hinirang na maging ating tahanan magpakailanman. Sanggunian: http://bukaspalad.com/board/showthread.php?t=1742 http://movie-music-review.blogspot.com/2007/09/christian-bautista-nagkamali-sa.html http://pilipinas2040.blogspot.com/ http://pinoyambisyoso.com/?p=188 http://tagpuan.com/national-historical-institute-delighted-by-kyla%e2%80%99s-singing-of-national-anthem/ http://tl.wikipedia.org/wiki/Lupang_Hinirang http://www.abante.com.ph/issue/jan2606/showbiz_jg.htm http://www.abante-tonite.com/issue/feb2606/showbiz_ad.htm Si GENARO R. GOJO CRUZ ay isang guro sa PNU at Departamento ng Filipino ng DLSU. Hilig niya ang pagbabasa ng mga komiks, panonood ng pelikulang bakbakan, pakikinig sa mga novelty song, pagbabasa ng mga kuwentong-pambata at balita sa mga tabloid, basta’t nasa Wikang Filipino. Mahilig sumakay ng dyip at pedicab. Maaari siyang sulatan sa bayanghikahos@gmail.com
LOADING CONTENT