Filtered By: Topstories
News

Pamasahe sa jeep maaaring ibalik sa P7.50 sa susunod na linggo


Nagpahiwatig ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) nitong Miyerkules na maaari nitong pagbigyan sa susunod na linggo ang petisyon ng mga operator at tsuper ng jeep na magtaas ng hanggang 0.50 sentimo sa pamasahe o ibalik ang P7.50 na minimum fare. Ayon kay LTFRB chairman Thompson Lantion, hinihintay na lamang daw ng ahensya ang go-signal ng National Economic Development Authority (NEDA) bago ibalik ang dating pamasahe sa jeep na kasalukuyang nasa P7. Ang halaga ay mas mababa sa hinihinging P1.50 dagdag-pasahe o P8.50 na minimum fare ng mga jeepney operator dahil sa pagtaas ng presyo ng langis. “It (fare hike grant) is possible next week, because it’s a done deal already with the LTFRB. We are just waiting for NEDA’s approval," pahayag ni Lantion. Matatandaang pinayagan ng LTFRB, sa simula ng taon, ang pagbabalik ng P7.50 na minimum fare sa mga jeep sa Metro Manila, Region III at IV at itinakda ang pagpapatupad nito noong Hulyo 2. Subalit kaagad na naghain ng Memorandum Order 132 ang Malacañang na nilagdaan ni Executive Secretary Eduardo Ermita upang ipagpaliban ang P7.50 minimum fare dahil pag-aaralan pa diumano ito ng NEDA. Sa pagkakataong ito, tiniyak ni Lantion na ginagawa ng gobyerno ang lahat upang ibsan ang kalbaryo ng mga may-ari ng jeep sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis lalo na ang diesel. Nagpadala na diumano si Lantion ng mga imbitasyon sa Department of Energy, Metropolitan Manila Development Authority, Department of Interior and Local Government at NEDA upang pag-usapan ang mga posibleng paraan upang solusyonan ang epekto ng pagtataas ng presyo ng petrolyo sa nasabing sektor. Para kay Efren de Luna, pangulo ng Association of Concerned Transport Organizations (ACTO), kulang pa rin ang pagbabalik ng LTFRB sa minimum fare. "There is no reason to be happy with the announcement. The P7.50 rate is the original fare given to us by the LTFRB when it approved our petition for a fare increase almost two years ago," ayon kay De Luna. "What we want is for the government to come up with solution that will address three major issues that have been affecting the operation not only of the jeepney but all legitimate public vehicles," dagdag niya. Tinukoy ni De Luna ang tatlong mahahalagang isyu na kailangan ng agarang solusyon, kabilang na ang lingguhang pagtataas ng presyo ng mga kumpanya ng langis, ang ‘limiting ordinances’ ng lokal na pamahalaan, at ang karagdagang singil na kinokolekta ng the Land Transportation Office. Nauna nang nagbabala ang ilang public transport operators na maglulunsad ng transport holiday sa buong bansa sa Nobyembre upang ipakita ang kanilang pagkadismaya sa gobyerno na resolbahin ang kanilang mga suliranin. - Mark J. Ubalde, GMANews.TV