Filtered By: Topstories
News

Moslemen Macarambon, bagong miyembro ng Comelec


Ipinahayag ni Press Secretary Ignacio Bunye nitong Huwebes ang pagkahirang kay Moslemen Macarambon, dating trial court judge sa Iligan City, bilang bagong miyembro ng Commission on Elections (Comelec). Hinirang ni Pangulong Gloria Arroyo si Macarambon sa gitna ng mga panawagang gawing bukas at may partisipasyon ng publiko ang pagpili ng mga commissioner para sa mga bakanteng pwesto sa Comelec. Ayon sa ulat ng dzBB radio, kinumpirma ni Bunye ang pagkahirang kay Macarambon, na umano’y rekomendado ni Hilario Davide Jr, dating Supreme Court chief justice. Sinabi ni Akbayan party list Rep. Risa Hontiveros-Baraquel na noon pang Enero nakatanggap na ang kanyang grupo ng ulat na itatalaga si Macarambon sa Comelec. Ayon sa impormasyon ni Hontiveros, pinag-isipan umano ng Palasyo kung sino sa kanila ni Macarambon at Maguindanao Provincial Prosecutor Salick Panda ang ipapalit kay Commissioner Mehol Sadain matapos itong magretiro. Nauna nang binatikos ni Senate Majority Leader Francis Pangilinan ang umano’y "utter lack of transparency" ng Malacañang sa pagpili ng Comelec commissioners. Matagal nang nanawagan si Pangilinan na buksan sa publiko ang pagpili ng mga commissioner, at kahit pa umano may nabanggit si Executive Secretary Eduardo Ermita na isang search committee on Comelec appointees, palaisipan pa rin kung sinu-sino ang mga miyembro sa nabanggit na komite. Sa pagkahirang kay Macarambon, ang pwesto na lamang ng Comelec chairman ang natitirang bakante matapos biglaang magbitiw bilang chairman si Benjamin Abalos noong nakaraang buwan sa gitna ng alegasyon na siya ang nagsulong sa maanomalyang kontrata sa national broadband network project na napalilibutan ng alegasyon ng suhulan. Sa Pebrero sa darating na taon, dalawang pwesto pa sa Comelec ang inaasahang mababakante sa pagreretiro naman nina Commissioner Resurreccion Borra at Florentino Tuason. - Luis Gorgonio, GMANews.TV