Filtered By: Topstories
News

Arroyo nalungkot sa sinapit ng mag-asawang Saguisag


Nalungkot si Pangulong Gloria Macapagal Arroyo sa trahedyang sinapit ni dating Senador Rene Saguisag at sa asawang si Dulce na nasawi sa malagim na aksidente sa Makati City nitong Huwebes ng madaling araw. "It's very sad news. Let's pray for the swift recovery of the former senator and the peaceful rest of his wife, Dulce," sinabi ni Arroyo, ayon kay Presidential Spokesman Ignacio Bunye. Ipinahayag din ni Bunye na pinapurihan ng Pangulo si Dulce sa kanyang civic work at sa ginampanang tungkulin bilang social welfare secretary sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Joseph Estrada. Tumayong kalihim ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) si Dulce at humalili kay Arroyo na nagbitiw sa kalagitnaan ng impeachment trial ni Estrada sa Kongreso. Bukod dito, nais ding pasalamatan ni Arroyo si Dulce lalong-lalo na sa pagpapalaganap ng kaalaman tungkol sa breast cancer. Ang maybahay ni Saguisag ay cancer survivor. Nakalagak ang kanyang labi sa Arlington Funeral Homes sa Quezon City. Ayon sa ulat ng dzBB radio, lulan ng kanilang puting Toyota Hi-Ace Grandia van ang mag-asawa at dalawa pang kasamahan nang bungguin ng isang Isuzu dump truck habang tumatawid sa Osmeña Highway (dating South Superhighway) mula sa Arnaiz Avenue (Pasay Road). Pauwi diumano ang apat matapos dumalo ng ballroom dancing sa Byke’s Café sa Makati City . Iniulat sa dzBB radio na nakipaghapunan muna si Saguisag kay dating Pangulong Joseph Estrada sa bahay nito sa Greenhills bago tumuloy sa Byke’s Cafe kasama ang asawa. "As a result, the driver and all occupants of the Grandia were seriously injured ... Mrs Dulce Saguisag was pronounced dead on arrival by Dr Raphael Tecson," ayon sa ulat ng pulis-Makati. Sinabi ni Dr. Romeo Bongar sa dzBB radio na kritikal ang kundisyon ng 68-taong-gulang na si Saguisag na naunang isinugod sa Ospital ng Makati sa Malugay Street . Ayon sa medical bulletin ng MMC, maaaring operahan si Saguisag upang gamutin ang “severe trauma" sa kanyang ulo at dibdib. Kabilang sa sugatan sa loob ng van ay ang tsuper ng mag-asawa na si Felipe Calvario Jr, 31, at Imelda Obong, isang dance instructor. Kritikal din ang kundisyon ni Calvario sa MMC. - Mark J. Ubalde, GMANews.TV