Filtered By: Topstories
News

Pagpanaw ng asawa ipinaalam na kay Saguisag


Ipinaalam na kay dating Senador Rene Saguisag ang pagpanaw ng asawa na si Dulce tatlong araw matapos maganap ang aksidente, ayon sa ulat ng GMA’s Flash Report nitong Linggo. Mismong ang mga duktor na umano ang nagpayo sa pamilya na huwag ng ilihim sa dating senador ang nangyari sa asawa kapag nagtanong ito. Kasama ang mga duktor nang ipaalam ni Atty. Rebo Saguisag sa kanyang ama na si Rene na wala na kanyang inang si Dulce. Bagaman hindi lumuha, tumaas umano ang blood pressure ni Saguisag nang malaman ang nangyari sa asawa pero bumalik din sa normal ang presyon nito pagkalipas ng ilang sandali. Sinabi ni Rebo na kilala nila na matatag ang kalooban ng kanilang ama at kaya nitong lampasan ang nangyari sa kanilang pamilya. Inulat din na hinanap ng nakatatandang Saguisag ang kanyang mga anak at mga kapatid ng asawa upang alamin ang kanilang kalagayan. Patuloy ang pagbuti ng kalagayan nina Saguisag at drayber na si Felipe Calvario ngunit nananatili sila sa Intensive Care Unit ng Makati Medical Center. Itinakda naman ng mga Saguisag na ihatid sa huling hantungan si Dulce sa Biyernes, (Nob 16) sa Manila Memorial Park. - GMANews.TV

LOADING CONTENT