Filtered By: Topstories
News

Suspek sa pagsabog sa Batasan binawi ang testimonya


Binawi ng tatlong suspek sa pagsabog sa Batasan Pambansa complex ang nauna nilang pahayag na may kinalaman sina Anak Mindanao Rep. Mujiv Hataman, kanyang kapatid na si Jim, at dating kongresistang si Gerry Salapuddin sa naganap na pagsabog noong Nobyembre 13 na ikinasawi ni Basilan Rep. Wahab Akbar at apat pang empleyado ng House of Representatives. Ayon kina Hajarun Jamiri, dating alkalde ng Tuburan, Basilan, at Caidar Aunal, napilitan lamang silang idawit ang magkapatid na Hataman at si Salapuddin sa pagsabog. Sinabi ni Jamiri sa mga mamamahayag sa isang press conference na tinorture siya at pinuwersang lagdaan ang isang affidavit na magdadawit sa magkapatid na Hataman at kay Salapuddin sa insidente. Pormal nang binawi ni Jamiri ang pahayag nitong Lunes ng hapon sa Department of Justice. Ibinunyag ni Jamiri na itinuro lamang niya sina Hataman at Salapuddin matapos siyang bugbugin ng mga pulis sa ilalim ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at kuryentehin sa maseselang bahagi ng katawan. Subalit depensa ni CIDG chief Director Edgardo Doromal na binawi lamang ni Jamiri ang kanyang testimonya upang iligtas ang sarili. Pinag-iisipan na umano ng mga awtoridad na sampahan ng kasong perjury ang tatlo. "If warranted, because he already gave his first statement, and now he is saying he was just tortured and forced to sign that statement, we might file perjury against him," ayon kay Doromal. “[Jamiri’s] first statement will stay for now," idinagdag nito. Sinabi rin ni Doromal na kahit hindi na isaalang-alang ng Department of Justice ang unang testimonya ni Jamiri, mayroon pa rin silang matibay na kaso laban sa magkapatid na Hataman at kay Salapuddin. Iniulat din ng dzBB nitong Lunes na napwersa lamang sina Kusain at Aunal na magbigay ng ebidensiya laban kina Hataman at Salapuddin dahil sa pananakot. Ayon sa ulat, binugbog pa ang dalawang suspek. Inaresto ng pulisya si Jamiri noong Nobyembre 20 sa San Andres, Manila sa kasong illegal gun possession. Nakakuha ng .45-kalibreng baril mula sa pag-iingat ni Jamiri. Ayon sa mga pulis, nakuha rin sa apartment ni Jamiri sa Maynila ang isang pampasabog. Nauna nang nagsumite si Jamiri ng affidavit na nagtuturo sa mga Hataman at kay Salapuddin na pumaslang kay Akbar. Bukod kina Aunal at Kusain, dinakip din si Ikram Indama sa isang subdivision sa Payatas B, Quezon City, dalawang araw matapos ang pagsabog sa Batasan. - Mark J. Ubalde, GMANews.TV