Filtered By: Topstories
News

Armand Serrano: Pinoy sa likod ng mga sikat na pelikula sa Amerika


Mulan, Tarzan, Lilo & Stitch, Brother Bear, at Surf’s Up. Ano ang mayroon sa mga animation movie hits na ito na dapat ikarangal ng mga Filipino? Si Armand Serrano, isang Pinoy artist na matagumpay na nakapasok sa dambuhalang animation studios sa Amerika. Kwento ni Armand sa ipinadala niyang e-mail sa GMANews.TV, bata pa lang ay hilig na niya ang mag-drawing. Naging malaking impluwensya umano sa kanyang naging libangan ang kanyang mga nakatatandang kapatid na mahilig din sa pagguhit at pagpipinta. Architectural students ang kanyang mga kapatid nang kabataan ni Armand. Kwento n'ya, masaya siya tuwing nakikitang gumuguhit ang kanyang mga ito hanggang matapos ang kanilang pinaghirapan. Ngunit dahil sa pangaral ng ama na walang pag-asenso sa buhay kung aasa lamang sa pagguhit, pinili ni Armand na kumuha ng kursong civil engineering sa University of Sto. Tomas sa Manila. Nang makapagtapos ng kolehiyo, sinubukan niya na gamitin ang kanyang napag-aralan ng ilang buwan. Ngunit malakas talaga ang tawag ng kanyang first love, ang pagguhit - kaya nagpalit siya ng propesyon at nagtrabaho sa Fil Cartoons, Inc. noong 1990. Paghahasa ng husay Ang Fil-Cartoons, Inc. ay subsidiary studio ng Hana-Barbera Studio sa Maynila. Dito nahasa ang husay ni Armand sa modernong pagguhit ng “cartoon characters" na mas kilala sa tawag na “animation." Sa Hanna-Barbera studio, kasama siya sa pagtatrabaho sa ilang cartoon shows gaya ng Yogi Bear, Johnny Quest, Tom and Jerry Kids, at Addams Family. Tatlong taon makalipas nito, lumipat siya sa Philippine Animation Studio at pinangasiwaan niya ang layout department ng Marvel overseas production ng X-Men, Fantastic Four, at music video ng “Prince." Walang pagsisisi si Armand sa paglipat ng karera dahil bumabalik ang kanyang pagkabata tuwing gumuguhit ng cartoon characters. Katunayan, kahit may mga anak na, sinabi ni Armand na namamangha pa rin siya sa mga pambatang pelikula. Mahigit din siya sa epic movies kagaya ng “The Lord of the Rings" at Gods and Generals. May pagka-environmentalist din si Armand at dinadala niya ang sariling krusada sa pagpapahalaga sa kalikasan sa pamamagitan ng kanyang mga drawing at proyekto. Nang mag-migrate ang kanyang pamilya sa Los Angeles, California noong 1996, nakapasok siya sa Walt Disney Studios at kaagad napasabak sa pagguhit sa animation movie na Mulan. Sa pitong taon na pamamalagi sa Walt Disney Studios, bukod sa Mulan, ang talento ni Armand sa paggunhit ay kasama sa likod ng paggawa ng mga animation movies na Tarzan, Lilo & Stitch, at Brother Bear. Taong 2004 nang lumipat si Armand sa dambuhalang kumpanya na Sony Pictures at nagtrabaho sa bagong animation division upang pangasiwaan ang visual development and environmental design sa animation movie na Surf’s Up. Inspirasyon Kwento ni Armand, ang gubat ng Palawan ang naging inspirasyon niya sa scenery ng Surf’s Up na ipinalabas sa Pilipinas kamakailan lang. Kwento ito ng isang aspiring penguin surfer na sumali sa isang kompetisyon na tribute sa kanyang hinahangaang surfer na inakalang namatay sa isang aksidente. Naging abala din siya sa visual development sa pelikulang Cloudy With A Chance Of Meatballs at ang part 2 ng Open Season. Sa ngayon, si Armand ang art director sa bagong animated film project ng Sony na ang setting ay prehistoric times ngunit ayaw pa niyang sabihin ang detalye sa bago niyang proyekto. Tagsilog at Gotohan Maraming nami-miss si Armand sa Pilipinas tulad ng mga tapsilogan at gotohan. “We miss the Manila life that even in the wee hours of the morning you can still find tapsilog and gotohan open." “But reality is my kids are growing up here and this is the place we consider home now… though they are exposed to the Filipino culture all the time so not to lose their heritage," paglalahad niya. Malaking tulong sa paglaban sa pangungulila nila sa bansa ang maraming Pinoy na nakatira sa California. “There’s a huge population of Filipinos here in California that makes it homier for us to live in this part of the country. But of course Bing (his wife) and I miss our families and friends in Manila," dagdag niya. Isang paraan din ng pag-alaala niya sa Pilipinas ang paglalagay ng mga Philippine scenery sa ilan niyang mga proyekto katulad ng ginawa niya sa Surf's Up kung saan hango sa kagubatan ng Palawan ang naging inspirasyon niya. Disiplina Nang tanungin kung ano ang kanyang maipapayo sa maraming kabataan na mahilig din mag-drawing at nais makapagtrabaho sa mga animation studios, sinabi ni Armand na, “Whenever I get asked this question, these are the things I recommend - always discipline yourself to have a consistent amount of practice. Be very observant and work hard but not too hard so that you don’t miss out on your life." Payo pa ni Armand, dapat ang sariling kakayahan ang kumpitensyahin at hindi ibang tao. “Do not think too highly of yourself and always be willing to learn. Always go for the next level and compete with yourself, not with others." Idinagdag niya na dapat abutin ng mga Filipino ang kanilang pangarap at huwag magpadala sa mga negatibong sasabihin ng iba. “Never let anybody tell you that your goal is impossible - go for it one step at a time," pagtatapos ni Armand. - Fidel Jimenez, GMANews.TV