Filtered By: Topstories
News

2 deboto patay, maraming sugatan sa prusisyon ng Nazareno


Dalawang deboto ang nagbuwis ng buhay at hindi mabilang ang mga nasaktan at hinimatay sa taunang prusisyon ng pinaniniwalaang milagrosong imahe ng Itim na Nazareno sa Quiapo, Manila nitong Miyerkules. Sa ulat ng GMA News 24 Oras, hindi na naisalba sa Ospital ng Maynila si Alex Radovan na naipit sa libu-libong deboto na sumama sa prusisyon. Samantala, isang babae na sinasabing hinimatay sa prusisyon ang namatay naman sa Philippine General Hospital. Umabot sa 12 ang debotong nasaktan na isinugod sa Ospital ng Maynila at pito sa PGH. Dinala naman sa iba pang pagamutan tulad ng Jose Reyes Memorial Medical Center ang iba pang deboto na hinimatay, nasugatan sa paa o nahirapang huminga. Sa hiwalay na ulat ng dzBB radio, ang babae na nasawi sa PGH ay sinasabing nawalan ng malay malapit sa Carriedo St. Mabilis siyang dinala ng iba pang deboto sa pagamutan ngunit hindi na ito nailigtas. Kwento ng asawa ni Radovan na si Marivic, nagkahiwalay sila sa dami ng mga tao nang magsimulang magbalyahan ang mga deboto na naghahangad na makalapit sa karosa na sinasakyan ng Nazareno. Sinabi ni Marivic na mapalad siya dahil may isang deboto na humatak sa kanya sa ligtas na lugar ngunit sinawing palad naman ang kanyang asawa na natapakan ng mga deboto. Noong nakaraang taon, isang deboto ang namatay nang madaganan ng mga tao matapos bumigay ang isang manhole na gawa sa kahoy na dinaanan ng prusisyon. Ito ang ika-401 taon ng pagdiriwang ng kapistahan ng Itim na Nazareno. Pagtaya ng awtoridad, higit na marami ang dumalo sa kapistahan ngayon kumpara noong nakaraang taon. - Fidel Jimenez, GMANews.TV