Filtered By: Topstories
News

Mag-asawa napagkamalang namalimos sa Saudi, ikinulong


Apat na araw ikinulong sa Makkah ang mag-asawang Filipino dahil napagkamalan silang namamalimos sa loob ng mosque. Kinilala ni Hajj Attache Sol Mutya ang mag-asawa na sina Amin A. Abdulmaula at Halima Tahir Abdulmaula na mula sa Datu Piang, Maguindanao. Ang Makkah ay ang pinakamataong lalawigan ng Saudi Arabia. Doon matatagpuan ang Mecca na dinadayo ng mga Muslim tuwing panahon ng pagsamba sa Islam. Jeddah ang pinakamalaking siyudad na nasasakop ng lalawigan. Ayon kay Halima, napagkamalan silang namamalimos sa loob ng mosque noong Enero 5 dahil sa SR 1,250 (P13,00) na ipinahawak ng kanyang tiyuhin. Kwento niya bago sumakay ng eroplano pauwi ng Pilipinas noong Lunes, katatapos lamang nilang mag-asawa na magdasal nang pahawakan ng kanyang tiyuhin ang pera upang hindi ito mawala habang siya naman ang nagdarasal. Bigla na lamang daw silang dinampot ng mga babaeng pulis at dinala sa presinto kung saan sila dagliang ikinulong. "Hindi namin alam kung bakit kami hinuli. Hindi man lang sila nagsalita kung bakit, kung ano ang aming kasalanan. Naghirap-hirap ako kung paano, kung anong nangyari sa amin na wala kaming kasalanan ng asawa ko," nagtatakang kwento ni Halima. "Napakahirap talaga. Hindi ko na alam kung buhay pa ang asawa ko o patay na kasi wala kaming alam. Wala kaming dala, walang magsabi. Ang mga celphone namin ay wala sa amin," sabi pa niya. Magkahiwalay ang pinagdalhan sa mag-asawa. Ayon naman kay Lenga Tumagantang, ang 72-anyos na tiyuhin ng mag-asawa, ipinahawak lamang niya ang pera dahil natatakot siya na mawala ito dahil sa dami ng tao at siya ay magdarasal pa noon at hahalik sa Blackstone. "Nagulat ako sa ginawa ng mga pulis. Bakit ganoon? Sa Pilipinas ay kahit gaano kalaki ang ipahawak mo hindi hinuhuli pero bakit dito sa kanila ay hinuhuli e ipinahawak ko lang naman ang pera ko," sabi ni Tumagantang. Sa panahon ng Hajj, ipinag-utos ng gobernador ng Makkah sa mga pulis na arestuhin ang mga nagpapalimos at mandurukot sa loob ng mosque. "Mabuti na lang at agad na naipaalam sa amin at agad kaming gumawa ng paraan para mailabas ng kulungan ang mag-asawa," sabi ni Mutya. Matapos ang apat na araw ay naghintay pa ang mag-asawa ng limang araw bago makauwi sa Pilipinas dahil isinabay sila ng Mowasasa, ang grupong nagdala sa kanila sa Makkah para sa Hajj, sa iba pang pilgrims. Ayon kay Ashnawi Alonto, ang karanasan ng mag-asawang Abdulmaula ay sanhi ng kakulangan ng paghahanda para sa taunang Hajj. "Ang mahirap kasi ay tanggap ng tanggap ng mga magpupunta para sa Hajj pero hindi nagpapa-seminar sa mga gagawin hindi katulad ng sa Malaysia, Indonesia na anim na buwan bago ang Hajj ay nag-conduct na sila ng house-to-house seminar para mapaghandaan ang Hajj," sabi niya. Malaking tulong umano ang seminar para sa mga pupunta sa Hajj upang malaman ang dapat na mga gagawin upang makaiwas sa mga problema. Sang-ayon naman si Mutya. "Magsilbi sana itong aral sa ating mga nakatataas upang magawan ng paraan para maiwasan ang mga ganitong problema sa mga susunod na Hajj." – Ronaldo Concha, GMANews.TV

LOADING CONTENT