Filtered By: Topstories
News

Nagpaulan ang Sto Nino ng Tondo?


Itinuturing isang milagro ng mga deboto ng Santo Nino de Tondo ang biglang paghinto ng malakas na ulan sa ilang bahagi ng Luzon noong 1972 nang maibalik sa simbahan ang ninakaw nitong imahe. Nalubog sa baha ang Metro Manila at ilang lugar sa Central Luzon tulad ng Pampanga noong Hulyo 1972 dulot ng malakas na pag-ulan. Nagkataon na ang malakas na ulan ay naganap matapos nakawin ang imahe ng Sto Nino sa simbahan ng Tundo. Ang Sto Nino na kahoy ang katawan ngunit ivory ang kamay at mukha ay ibinigay sa mga Pinoy ng mga Kastila mula sa Acapulco, Mexico noong 1570s. Hindi naglaon, nakita ang katawan ng Sto Nino ngunit wala na ang mukha at kamay nito sa Manuguit, Tundo na hindi kalayuan sa simbahan. Nag-alok ng tulong si dating First Lady Imelda Marcos upang mabawi ang nawawalang bahagi ng Sto Nino na pansamantalang ibinahay sa Malacanang. Matapos ipanawagan ang nawawalang bahagi ng katawan ng Sto Nino, ibinalik ng nakabili ang kamay at mukha ng Sto Nino noong Agosto (1972)- ngunit patuloy pa rin ang pag-ulan. Mula sa Malacanang, binagtas ng mga deboto ang baha sa Maynila upang ibalik sa simbahan sa Tundo ang Sto Nino. Sinasabing pagkalapag ng imahe sa pwesto nito sa simbahan ay agad na huminto ang ulan na parang walang nangyari. - GMANews.TV