Filtered By: Topstories
News

Stranded OFWs sa Jeddah dumadami, tulong dumadagsa


Umabot na sa mahigit 80 ang mga Filipino na naghihintay sa ilalim ng tulay ng Al-Khandara sa Jeddah upang mapauwi sa Pilipinas habang dumagsa naman ang donasyon na pagkain at inumin mula sa iba’t-ibang Filipino community doon. Halos isang buwan na nakahimpil sa maliliit na tent ang mga manggagawang Filipino malapit sa deportation center as Sharafiya district sa pag-asang dadamputin sila doon upang ipa-deport sa Pilipinas. Ayon kay Fernando Francisco, isa sa mga stranded at tumatayong pinuno ng grupo, halos sunud-sunod na nagbibigay ang mga Filipino ng pagkain at inumin na labis nilang ikinasisiya. Nagpadala rin ng pagkain at mga gamot ang konsulado ng Pilipinas sa Jeddah. "Iyong iba ay napapadaan lang, tapos pag nakikita kami ay binibigyan kami ng pagkain," sabi ni Francisco. Samantala, pinalipat ang mga Filipino mula sa al-Khandara flyover papunta sa ilalim ng tulay na may isang kilometro ang layo sa lugar na hinimpilan ng grupo ng halos isang buwan. "Pinaalis kami dahil nagiging marumi ang paligid gawa ng mga ibang lahi na kasama namin dito saka doon daw talaga sa ilalim ng tulay pini-pick-up ang mga idini-deport," paliwanag ni Francisco. Ayon naman sa isang stranded na babae na ayaw magpakilala, nanghihinayang sila sa pagkakaalis sa ilalim ng flyover dahil mas maayos ang kanilang kinalalagyan doon kumpara sa ilalim ng tulay. "Doon ay nakapagluluto kami dahil maraming puno ng kahoy at nagagamit namin na panggatong kaya nakatitipid kami sa pagluluto namin at may palikuran kami doon. Pero dito ang hirap, wala kaming mapaglutuan, wala kaming magamit na palikuran. Hirap na hirap kami," ayon sa babae. Sa panayam kay Consul General Ezzedin Tago, sinabi niyang nakausap niya noong isang gabi si OWWA Administrator Marianito Roque at ipinaalam sa kanya na nai-release na ang pondo para matugunan ang mga pangunahing pangangailangan ng mga stranded na Filipino. Idinagdag pa niya ang nagpadala ang OWWA ng mga gamot at pagkain para sa mga stranded na manggagawa. Sinabi ng mga Filipino na nauunawaan nila ang panawagan ng konsulado hinggil sa usapin ng deportation, subalit wala raw silang magagawa kundi ang magtiyaga sa paghihintay at umasa na makauuwi sila sa Pilipinas. Karamihan sa mga Filipino ay tumakas sa kanilang amo dahil sa iba’t-ibang dahilan. Ang iba ay hindi pinasweldo, ang ilan ay mas mababa kaysa sa nakasaad sa kontrata ang ibinayad na sweldo, at ang iba naman ay pinagmalupitan. Ayon kay Eric Jocson mula sa Mandaluyong at dating nagtrabaho sa Riyadh, siya ay tatlong beses na nakapagsampa ng reklamo sa embassy sa Riyadh. "Lagi na lang po nilang sinasabi na after three months daw ‘pag hindi daw napa-follow up ang case ay nabubura daw ‘yun." "Ang iba naman po sa amin dito ay nagsasabi na ginagawan sila ng fabricated cases ng kanilang mga amo at sila po ay dumulog na rin sa ibang mga sangay ng ating gobyerno ngunit ang sinabihan po nila ay mag-back to work na lamang," paliwanag ni Jocson. "Bale ang iniisip namin hangga’t maaari ay makauwi na lang po kami na hindi na dadaan pa sa due process kasi mas matatagalan kami dito. Ngayon ang ilan sa amin dito ay nagkakasakit. Hindi na namin makayanan ang mental torture sa kilalagyan namin. Humihiling lang kami sa pahamalaan natin nang agarang aksyon para makauwi kami sa aming pamilya," panawagan niya. Si Jay-r Lumanjal, mula sa Zamboanga at nanggaling pa sa Riyadh, ay hindi na raw makatagal sa kanyang sinapit sa amo na hindi siya binayaran. "Humihingi po kami ng tulong. Huwag na po nilang hintayin na may malalagas pa sa amin dito, ‘yung may mga dadalhin ng bangkay sa Pilipinas, sana huwag na nating hayaan na magkaganoon kaya humihingi kami nang agarang aksyon," sabi ni Jay-r. Ayon kay Guillermo Geringuillo, tubong Quezon at nagtrabaho biland trailer driver sa Dammam, huminto na sa pag-aaral ang kanyang mga anak dahil sa kanyang sinapit sa Saudi Arabia. "Nananawagan lang po ako kay Vice President Noli De Castro na sana matulungan kami sa agaran naming pag-uwi. Kami po ay hirap na hirap na, hirap na rin ang aming pamilya," sabi niya. Subalit ayon kay Consul General Tago, marami sa mga Filipino ay ayaw magbigay ng tunay nilang pangalan. "Ang hinihiling namin sa kanila ay ang mabigyan nila kami ng kanilang tunay na pangalan at kung saan sila nanggaling upang maipadala sa awtoridad ng Saudi Arabia para kung makipag-usap kami sa Immara (immigration director general) ay makapag-request kami ng kanilang pansamantalang matitirahan hanggang sa maiayos ang kanilang exit visa," paliwanag niya. "I asked for an appointment with the Saudi officials para makahingi ng repatriation ng stranded workers. I hope this can happen soon because we are exerting all our efforts para makauwi sila sa legal na paraan dahil we are trying to protect the interest of the Filipinos dito sa Saudi Arabia. At saka ‘yung magandang pangalan ng Filipino dito sa Jeddah," paliwanag ni Tago. Muling nanawagan si Tago sa mga Filipino sa Saudi na huwag magpaloko sa mga fixer o miyembro ng sindikato na nagpapanggap na may koneksyon sa embassy at konsulado at nangangakong mapadadali ang kanilang pag-uwi sa Pilipinas kapalit ang malaking halaga, subalit biglang nawawala kapag nakuha na ang pera. "Sa lahat ng mga Filipino dito sa Saudi, umaasa ako na hindi kayo maniniwala sa fixers, kung anuman ang mga nationality nila. Itong mga halimbawa na mga pangyayari sa ating mga kababayan na nahihirapan na sila, umaasa ako na kayo ay makikinig sa aking panawagan, sumunod sa proseso na ibinibigay ng POLO at ng embahada," pakiusap ni Consul General Tago. Ang ilan sa mga grupo ng mga Filipino at maging ng ibang lahi na nagbigay ng tulong sa mga stranded ay ang Treskillion Alumni Organization na halos araw-araw na nagpapamigay ng mga pagkain at inumin, si Hassan Saydan, ibang lahi na sales supervisor ng Hada Water na namigay ng inumin. Pinasalamatan din ng mga Filipino sina Zeny Concepcion at kanyang asawang French ng International Medical City, at ang KASAPI Congress na pinamunuan ni Johari Usman, Vic Aguila at Mike Quiliza na namili ng mga pangunahin at personal na pangangailangan ng mga stranded workers na kanilang ibinigay kahit madaling araw, at iba pang mga grupo na ayaw magpakilala na nagbigay ng mga pagkain at inumin. "Pinasasalamatan po namin ng lubusan ang mga taong walang sawang tumutulong sa amin, Diyos na po ang bahala sa inyo," pahayag ni Francisco na s’yang namamahala sa mga tulong na pinamamahagi ng Filipino community. Sa ngayon, ayon kay Francisco, umaabot na sa halos 80 ang mga Filipino sa ilalim ng tulay, kabilang ang mga nadagdag noong Sabado at Linggo at ang ibang mga hindi pa naisasama sa listahan dahil sila ay umuuwi sa kanilang mga pansamantalang tinitirahan at bumabalik na lang sa ilalim ng tulay sa kinaumagahan. - Ronaldo Concha, GMANews.TV

LOADING CONTENT