Filtered By: Topstories
News

Manikang 'nanganganak' ipinagmamalaki ng FEU


Manikang nanganganak at iba pang high-tech na gamit sa pag-aaral ng kursong nursing. Sa pamamagitan ng mga modernong kagamitan, mababawasan na ang bilang ng mga tunay na pasyente na pinagsasanayan ng mga mag-aaral sa kursong nursing. Ipinagmamalaki ngayon ng Far Eastern University (FEU) - Institute of Nursing ang makabago at high-tech na mga kagamitan, kabilang ang kauna-unahang intravenous simulator at virtual nursing laboratory sa Pilipinas. Sa tulong ng IV simulator, maiiwasan na ang mga disgrasya na kadalasang nangyayari kapag nagkamali ng turok sa ugat ng mga pasyente ang mga nagsasanay na estudyante. Sa pamamagitan ng IV simulator, isang plastik na braso ang nakakonekta sa isang espesyal na computer software. Sa naturang braso ay maaaring kapain ng estudyante ang tamang ugat na dapat turukan, at kung mali ang pagkakatusok ay lalabas ang resulta nito sa computer screen. “We are now able to keep on doing it until they perfect the skill without harming anyone," ayon kay Dr. Annabelle Borromeo ng FEU-IN. Bukod sa IV simulator, mayroon ding mga high tech virtual laboratory and FEU. Dito ay idadaan ang isang tunay na pasyente sa nursing station patungo sa kwarto na dapat pagdalhan sa pasyente tulad ng hospital ward, emergency room, ICU, isolation room at iba pa. Kakaiba rin ang kanilang maternity room kung saan may dekuryenteng manika na kunwari'y nanganganak. Malugod naman ang pagtanggap ng Philippine Nursing Association sa mga modernong kagamitan na inaasahang lalo pang magpahuhusay sa Pinoy nurses. Inaasahan na susunod din ang iba pang nursing institutions sa pagpapahusay ng kanilang pasilidad upang hindi mapag-iwanan sa modernong paraan ng pagtuturo sa nursing students. - Fidel Jimenez, GMANews.TV

LOADING CONTENT