Filtered By: Topstories
News

2 batang Pinoy nabiktima rin ng 'fixers' sa Saudi


Dalawa sa mahigit 80 Filipino na naging biktima ng ‘fixers’ na nangakong mapauuwi sila sa Pilipinas kapalit ng malaking halaga ay dalawang batang babae na itinuturing na ilegal sa Saudi Arabia. Ang mga bata, may edad na dalawa at isang taon, ay ipinagkatiwala ng mga magulang sa kanilang kasambahay na kabilang sa mga naghihintay sa ilalim ng tulay sa Jeddah upang mapauwi sa Pilipinas. Ayon kay Zenaida de Jesus, 31-taon gulang na dalaga, ang ama ng mga bata ay ilegal ding nagtatrabaho sa Riyadh kaya’t hindi sila maikuha ng iqama o residence permit. Sa batas ng Saudi Arabia, kailangang parehong kumpleto sa dokumento ang mga magulang ng mga batang isinisilang doon upang mabigyan ng iqama. Nang subukan umano ng mga magulang ng bata na gawing legal ang pananatili ng mga bata sa Riyadh ay siningil sila ng 3, 500 riyals bawat isa (katumbas ng P37, 700) o kabuuang P75, 400. Subalit dahil sa kakulangan sap era, nagdesisyon umano ang mag-asawa na ipauwi na lamang sa Pilipinas ang mga bata, at pasabayin ito sa kanya. "Kami ay nagbigay ng 800 riyals (P8, 600) sa sasakyan pa lang papunta sa Jeddah at ang sabi ay madali lang daw. Tapos dito na lang kami itinapon, basta itnuro na lang kung saan sasakay, hindi man lang kami inalalayan," kwento ni Zenaida tungkol sa kanilang karanasan sa fixers. "Siningil kami ng tig-2,000 riyals (P21,600) sa aming dalawa at iyung dalawang bata ay tig 1,200 riyals (P13,000) bawat isa kaya sa aming apat ay mahigit 6,000 riyals (64,700) ang bayad," sabi ni Zenaida. Tumanggi siya na pangalanan ang fixers dahil sa takot na balikan ang magulang ng mga bata na naiwan pa sa Riyadh. Matapos ang maraming araw na pamamalagi ng mga Filipino sa ilalim ng tulay sa Al Khandara ay nagpasya ang mga magulang ng mga bata na sunduin sila noong Lunes at ibinalik na sa Riyadh upang sikapin na gawing legal ang pananatili nila doon. Karamihan sa mga Filipino na naghihintay na mapauwi ay nagsitakas sa pagmamalupit ng kanilang amo. Ang iba ay hindi binayaran ng sweldo, at ang ilan naman ay nakatagpo ng mga amo na lumabag sa mga alituntunin sa kontrata. May babae rin na tumakas matapos ang bigong pagsasamantala ng kanyang amo. Si Zenaida ay dumating sa Saudi noong 2005 sa pagnanais na makatulong maiahon sa kahirapan ang kanyang pamilya sa Pilipinas. Sa kasamaang-palad ay nakaranas siya ng pangmomolestiya sa kanyang amo kaya’t tumakas siya at patuloy na nakipagsapalaran hanggang namasukan siya noong 2006 sa magulang ng dalawang bata na kapwa Filipino rin. "Hindi po namin alam na ganito ang dadatnan namin dito. Dahil dito nga kami dinala ng kontak ng amo ko sa Riyadh at ang sabi dito raw ay three days lang at pagdating namin dito hindi naman sinabi na napakahirap naman na mag-pick up ang bus," umiiyak na pahayag ni Zenaida. Mula sa iba’t-ibang lugar sa Saudi Arabia ay dinala ng fixers ang mga Filipino sa ilalim ng flyover sa Al Khandara, at matapos ang mahigit isang buwan ay pinalipat sila sa ilalim ng tulay upang doon umano sila pulutin ng mga taga-immigration upang mai-deport sa Pilipinas. Sa ilalim ng tulay umano namumulot ang mga taga-immigration ng mga ipinade-deport na ibang lahi. "Noong nakita namin ‘yung mga babae na nakapila sa bus pinapalo ng bote ng mga immigration officer o Jawasat sa ulo. Natakot po kami baka po pati mga bata masaktan," sabi ni Zenaida. Noong nakaraang taon pa lamang ay nagbabala na ang embahada sa Riyadh at konsulado ng Pilipinas sa Jeddah laban sa mga sindikato na nangangako ng tinatawag na 'backdoor exit' sa mga takas at ilegal na Filipino sa Saudi kapalit ng malaking halaga. - Ronaldo Concha, GMANews.TV

LOADING CONTENT