Filtered By: Topstories
News

Steve Tamayo: Nasa pagsisikap ang pag-unlad


Sa murang edad, si Sebastian "Steve" Tamayo ay naging mangingisda at taga-kudkod ng niyog na gagamitin ng kanyang ina sa pagluluto ng “ube halaya." Tubong Hagonoy, Bulacan, dumaan din sa pagiging waiter sa Saudi Arabia si Steve. Pinasok ang pagnenegosyo sa Kuwait, hanggang sa makilala siya bilang isa sa mga nangunguna sa catering service sa bansa, ang Tamayo’s Catering and Flower Shop. " Nang araw na makapanayam ng GMANews.TV si Steve sa kanyang opisina sa Villa Immaculada sa Intramuros, Manila, nataon ito sa kanyang ika-48 na kaarawan. Sa gitna kwentuhan tungkol sa kanyang buhay, pasimpleng lumapit ang kanyang mga tauhan, bitbit ang isang bilog na chocolate cake na may isang nakasinding kandila at inawitan siya ng pagbati. Pagkatapos ng awitan, pinahipan ng kanyang mga tauhan ang kandila at hiningan ng wish. “Wish ko ay magkasama pa tayo ng matagal. Gumanda pa sana ang negosyo natin at ang masamang gawain alisin, ang mabuti pag-ibayuhin," maigsing bilin ni Steve sa kanyang mga tauhan. Kwento ni Steve, mahigpit siya bilang amo dahil kailangan ito sa kanilang negosyo sa paghahanda ng pagkain at pag-aayos ng lugar na pagdarausan ng iba't-ibang okasyon katulad ng kasal, debut, ordinaryong kaarawan at iba pa. Kabilang sa kanyang mga napagsilbihan ay ang kaarawan ng sikat na komedyanteng si Dolphy, kasal ng anak nina Alma Moreno at Rudy Fernandez na si Mark Anthony Fernandez, at debut ng mahusay na mang-aawit na si Sarah Geronimo. Ang kanyang pagiging metikuloso, mula sa ayos ng tapete ng lamesa, posisyon ng kubyertos, paglilinis ng mga baso at disenyo ng bulaklak, ay natutunan n'ya sa mahabang panahon ng pagtatrabaho sa mga hotel at restaurants sa Saudi Arabia at Kuwait. Pagsusumikap Bago makipagsapalaran sa ibang bansa, kinailangan munang suportahan ni Steve ang sariling pag-aaral hanggan makatapos siya ng kolehiyo sa University of the East kung saan nakakuha siya ng diploma sa kursong commerce. “Janitor sa isang building sa Ayala ang trabaho ko noon. Tapos may boardmate ako na waiter sa Playboy Club of Manila, nagpatulong din ako sa kanya. Naipasok n'ya akong extra waiter kaya dalawa ang trabaho ko noon," kwento ni Steve habang kinakalikot ang isang maliit na baso na nagsisilbing candle holder. Mula sa isang malaking pamilya sa Bulacan si Steve, pang-11 isa siya sa 12 magkakapatid. Dating kabesa (kapitan) ang kanyang ama na maraming negosyo sa palaisdaan. Subalit dahil sa stroke na sinapit ng ama, unti-unting naubos ang mga ari-ariang naipundar. “Hindi ko na inabutan 'yung panahon na marangya kami. May nagsasabi sa akin na mayaman daw kami noon at sayang daw kasi hindi ko na inabutan 'yung panahon na 'yon," pahayag ni Steve. “Katunayan hindi ko naranasan na kalungin ng ama dahil bata pa nga ako nang magkasakit siya hanggang sa pumanaw siya noong nasa second year high school ako," dagdag ni Steve. Dahil sa naranasang hirap ay nabuo sa kanyang isip na magsisikap siyang mabuti upang hindi maranasan ng kanyang magiging pamilya ang hirap sa buhay na kanyang pinagdaanan. Kaya naman kahit trabaho ng pagiging janitor at paglilinis ng dumi ng iba ay pinasok niya upang matustusan ang kanyang pag-aaral. “Mula sa pagiging extra waiter, maswerte naman dahil hindi nagtagal naging regular waiter ako. Dun iniwan ko na ang pagja-janitor sa Playboy Club sa Silahis Hotel at nag-concentrate na ko sa hotel," pagpapatuloy ng kwento ni Steve na pilit pa ring pinaglalapat ang maliit na kandila sa maliit na baso. Ayon sa kanya, ang Silahis Hotel ang pinakasikat na hotel noon dahil bukod sa Japan, sa Pilipinas lamang makikita ang sikat na Playboy Club. Sa Silahis nakilala niya ang isang Arabo na nag-alok sa kanyang magtrabaho bilang waiter sa isang hotel sa Saudi na kanyang tinanggap. Todo-kayod sa Middle East Tatlong buwan matapos maka-graduate sa UE noong 1981, pumunta na si Steve sa Saudi Arabia upang magtrabaho bilang waiter sa restaurant ng hotel. Kapag hindi naka-duty, may ibang pinagkaabalahan si Steve, katulad ng paglilinis ng bahay ng mga dayuhan at pagbebenta ng mga kakanin, kagaya ng kanyang paboritong ube. “Paborito ko kasi ang ube halaya. Nagtitinda ng kakanin ang nanay ko noon, ako ang nagkukudkod ng niyog. Sa kanya ko nakuha ang hilig ko sa pagluluto," ayon kay Steve na nagawa nang paglapatin ang kandila sa maliit na baso na nagpakita ng kanyang pagiging metikuloso. Panaka-naka, inaayos ni Steve ang hilera ng mga tinidor at kutsara sa mesa kung saan kami nag-uusap. May gaganapin palang pagtitipon sa Villa Immaculada na aming kinaroroonan kaya naman amoy na amoy ang halimuyak ng mga sariwang rosas at orchids. Pagpapatuloy ng kwento ni Steve, nakakita siya ng powered ube sa isang tindahan sa Saudi kaya naisipan n'ya itong bilhin at subukang lutuin. Iniregalo niya ang lutong ube sa mga nakilalang Filipino na nurse. Nasarapan naman ang mga nurse at 'di kalaunan ay nag-order na ang mga ito na naging simula ng kanyang pagkakaroon ng dagdag na income mula sa pagbebenta ng kakanin. “Actually technique ko lang 'yun na pinatikim ko sa kanila 'yung ube ng libre. Alam ko masasarapan sila at mahihiya naman silang humingi lang ng humingi kaya ang nangyari nag-o-order sila sa akin," ayon kay Steve. “Mahaba ang oras sa isang solong katawan na katulad kong binata. Kung hindi mo gagamitin ng mabuti ang extrang oras mo, kung anu-ano ang maiisip mo doon. Kaya 'yung isang nagpapalinis ng bahay, dumami ng dumami 'yun hanggang ibigay ko na sa iba kong kasamang waiter 'yung extra job kaya pati sila masaya," sabi pa ni Steve. Sa loob lamang ng dalawang taon na pagtatrabaho sa Saudi, nakapagpagawa na ng bahay sa Pilipinas si Steve. Isa umano ito sa ipinangako n'ya sa sarili na kailangan may sariling bahay na uuwian ang kanyang magiging pamilya at hindi makikipisan lamang sa mga kamag-anak. Paglipat sa Kuwait Taong 1985 nang magpasya si Steve na subukin ang kapalaran sa Kuwait kung saan nakikita niyang higit na aasenso ang kanyang abilidad sa pagnenegosyo. “Open city ang Kuwait at mas liberal kaysa Saudi kaya pwede kong gawin ang mga negosyo ko. Sa Saudi kasi mahigpit kaya bilang ang mga kilos mo. Maswerte naman dahil nakalipat ako sa Hilton hotel at naging manager pa ako doon," aniya. Hindi makalimutan ni Steve ang mag-asawang Wieland na Swiss national na kanyang tinulungan na maghatid ng gamit sa lilipatan nitong penthouse. Si Mr. Wieland ay general manager umano ng Swiss Air na siyang nagbigay sa kanyang ng pagkakataon na umunlad. Sinabi ni Steve na bilang manager ng hotel, nagpagandang loob umano siya na personal na tutulong sa paghahatid ng mga gamit ng mag-asawang Wieland bilang respeto sa isang importanteng bisita ng hotel. “Nang nasa penthouse na kami ng nilipatan nila, parang automatic na pumasok sa isip ko 'yung ginagawa ko noon na extra-job sa Saudi na naglilinis ng mga bahay. Nag-offer ako na maglilinis ng bahay nila hangga't wala pa silang helper," kwento ni Steve. Sa una ay inakala umano ni Mr Wieland na nagbibiro si Steve dahil isa na nga siyang manager sa hotel at kilala na rin naman sa komunidad ng mga Filipino sa Kuwait. Bakit nga naman gugustuhin pa nito ang maging house cleaner. “Tinanong n'ya kung magkano ang sahod ko sa hotel, eh 'di sinabi ko. Nagulat ako nang tapatan n'ya ang sweldo ko kapalit ng paglilinis ng bahay. Ayun buhay uli ang extra job ko na taga-linis ng bahay, masayang-masaya ako!" bida ni Steve. Pananampalataya Tulad nang nangyari sa Saudi, dumami ang mga dayuhan na nagpalinis ng bahay kay Steve na ipinasa rin lang niya sa ibang kaibigang Pinoy para magkaroon din ng dagdag na pagkakakitaan. At dahil may ibang pinagkukunan ng kita, hindi naging mahirap kay Steve ang bumiyahe sa Pilipinas kung may pagkakataon. Sa kanyang pag-uwi ay nakilala n'ya ang relihiyosang si Mila na kanyang naging kabiyak sa buhay at biniyayaan sila ng limang anak. “Hindi naman ako relihiyoso talaga noon. Minsan kapag may prayer meeting si misis noong dalaga pa siya, ihahatid ko lang siya at ako naman ay naghihintay lang sa isang lugar o kaya nanonood ng sine. Pero minsan wala akong mapanood, sumama ako sa prayer meeting at doon na-high na ako sa Kanya (Lord)," sabi ni Steve. Sa pagbabalik niya sa Kuwait, naghanap siya ng simbahan kung saan naging aktibo siya at itinatatag ang Filipino Charismatic Catholic Community. Dito n'ya na rin nakilala si Fr. Bing na kanyang naging spiritual adviser. Hindi na napitigil ang pag-asenso ni Steve sa larangan ng panenegosyo. Ang mga piloto at stewardees ay nagbabagsak sa kanya ng mga produkto at kanyang ibinebenta. Maging ang mga Filipino na galing sa Pilipinas ay nagdadala rin ng mga handicraft katulad ng lampshade na gawa sa capiz, at siyempre ang kanyang ube halaya. “Kasi nga nakilala na akong religious leader, manager sa hotel, may mga kontak sa gobyerno dahil kay Mr Wieland, tiwala na 'yung mga tao na magpabenta sa akin ng produkto. At saka mabilis mabili ang mga ibinebenta ko kasi nahasa na rin ang selling speech ko. Kahit nga yata tanso maibebenta ko sa presyo ng ginto," kwento ni Steve tungkol sa kanyang nakaraan. Sa tulong ng mga kakilala, mula sa Hilton hotel ay nailipat si Steve sa Le Mary Jane hotel bilang manager ng pinakasikat na hotel sa sentro ng Kuwait. Nakakuha na rin siya ng business visa at naisipan na niyang magtayo ng paglalagyan ng sariling negosyo. Ilan sa kanyang mga kapatid sa Pilipinas ay nahikayat niyang magpunta na rin sa Kuwait. Ipinasok n'ya ang mga ito ng trabaho sa Le Mary Jane at katuwang n'ya sa pagtatayo ng “SM fashion wear" shop na ang sideline ay pagtitinda ng ube at pagluluto pa rin. Naglahong parang bula Ngunit sa loob ng 30 minuto, ang lahat ng kanyang pinagpaguran sa loob ng walong taon sa Middle East ay biglang nawala hanggang sa mapilitan siyang makipag-transaksyon sa Diyos. Sa kabila ng pakiusap ng kanyang asawang si Mila na manatili na lamang sa Pilipinas, mas pinili ni Steve na ilagay sa Kuwait ang lahat ng kinita. “Sabi ko kay Mila nasa Kuwait ang pera kaya doon kami. Pero hindi ko muna sila kinuha hangga't hindi pa stable 'yung itinayo kong negosyo na SM fashion wear. Steve and Mila ang ibig sabihin ng SM para catchy," paglilinaw n'ya. Hulyo 16, 1990 nag-soft opening ang kanyang negosyo at Hulyo 25 ang itinakdang grand opening. Ang kaibigang pari na si Bing Madelo ang nagbasbas sa kanyang boutique sa isang hotel na kanya ring naging tahanan. Kabilang sa naging panauhin sa blessing ng kanyang boutique ay mga kilalang lider sa Kuwait, kasama na si dating Philippine Ambassador Mauyag Tamano. “So kasama sa guest si Ambassador Tamano, tapos Tamayo naman ako, eh 'di magkatunog, kaya akala ng iba koneksyon na naman. Tapos kinabukasan nang opening ng boutique, front page sa mga diyaryo sa Kuwait kaya talagang nag-click," ayon kay Steve. Gabi ng Hulyo 31, 1990 nang tawagan n'ya sa Pilipinas ang asawang si Mila upang ibalita ang magandang kita ng kanyang negosyo. Ngunit umiiyak umano ang asawa dahil nabalitaan nito ang planong pagsalakay sa Kuwait ng mga Iraqi. “Hindi ko pa alam na sasakupin ng Iraq ang Kuwait kaya sabi ko huwag siyang mag-alala. Ipinakausap ko siya sa kapatid kong joker para libangin. Pagkatapos kong maghanda ng mga order na ube, nakatulog na ako bandang 2 am. Tapos mga 4 am naalimpungatan ako at tumingin ako sa bintana ng tinutuluyan ko sa 17th floor. Nakita ko maraming ilaw, nang buksan ko ang bintana, naku po mga tangke na may pulang flag, nandoon na nga ang mga Iraqi," pagbabalik-tanaw ni Steve. Ilang saglit lang ay bumagsak na ang Kuwait sa pwersa ng Iraqis at napilitan siyang umalis ng hotel papunta sana sa Le Mary Jane kung saan tumutuloy ang kanyang mga kapatid. Ngunit nakasalubong n'ya ang mga sundalong Iraqi at napilitan siyang magtago sa isang basurahan. Dahil sa labis na takot, nakipagnegosasyon si Steve sa Diyos na wala siyang dadalhin kundi sarili, hayaan lang siyang makauwi ng buhay sa kanyang pamilya. Pagkalipas ng 15 araw, nakabalik ng bansa si Steve, pati na ang kanyang mga kapatid. Hindi makalimutan ni Steve na naglaho sa loob lamang ng 30 minuto ang lahat ng kanyang ipinundar sa Kuwait. Umuwi siya na walang pasalubong sa kanyang pamilya kundi ang malungkot na balita. Muling pagbangon Pagkabalik sa Pilipinas, balik sa pagkayod si Steve at muling ginamit ang abilidad sa pagtitinda. “Isang taon, buy-and-sell tayo. Bibili ng produkto sa Divisoria tapos ibebenta ko. After one year, open na uli sa Kuwait, balik ako sa Hilton hotel para simulan ang restaurant nila. Pero walang sideline kasi lahat bagsak, walang negosyo. Pero kahit papaano may nakuha akong claims sa Kuwait." Nang mabalitaan ni Steve na nangangailangan ng tauhan sa Heritage hotel sa Manila, nag-apply siya at tuluyan nang nilisan ang Kuwait. “Sa Heritage may posisyon din tayo tapos nagsimula na akong mag-cater. Supot-supot muna na pagkain sa mga faculty sa CEU (Centro Escolar University). Tapos nakuha ko ang Department of Health para mag-supply ng pagkain. Medyo na-promote na tayo kasi from supot-supot delivery naging styro na tayo," natatawa nitong kwento. Balik na rin sa Pilipinas ang kaibigan niyang si Fr. Bing at iningganyo siyang mag-cater sa mga ikinakasal sa Mt. Carmel church sa New Manila, Quezon City. Ngunit dahil walang mga gamit sa catering kaya hindi n'ya makuhang tanggapin ang alok ng pari. Isang araw nang makita ni Steve ang isang kakilala na ikakasal at inalok nito kung pwede ay siya na lamang ang magluluto ng pagkain para sa mga bisita sa kanyang kasal. Subalit kinailangan munang ipagpaalam ng ikakasal sa nakuha nitong caterer ang alok ni Steve. Pumayag naman ang caterer na si Steve ang magluluto habang sa kanila ang mga gamit. Dito nagsimula ang partnership ng dalawa hanggang inilapit ang kanilang negosyo kay Fr. Bing sa Mt Carmel. “Nakakatawa kasi ang parlor ng asawa ko ang ginawa kong opisina ng catering. Nakakagulat din kasi buhok at gunting ang nakikita ng mga kliyente ko sa pagkain, pero naisasara ko naman ang deal kahit wala akong ipinakikitang litrato," sabi niya. Paglago muli ng negosyo Sa loob ng isang taon, pormal na itinayo ni Steve ang Tamayo’s Catering noong 1995 at nagpaalam na siya sa kanyang pinapasukang Heritage hotel. “Nagpaalam ako ng maayos sa Heritage. Mahalaga na walang problema sa mga dati mong pinagtrabahuhan. At iyong mga naging experience ko sa abroad, at mga pagtitiis ko, malaki ang naiambag ng mga karanasan na 'yun," pahayag ni Steve. Sa pagpasok ni Steve sa catering, itinayo niya ang kauna-unahang Food Caterers Association of the Philippines kung saan ibinahagi niya ang kanyang mga natutunan bilang waiter, assistant manager at manager ng mga restaurant. At sa kauna-unahang pagkakataon, isang caterer ang naging nominado bilang finalist sa 2007 Entrepreneur of the Philippines ng Ernest Young and Company na kasama ang SGV. Nakatakda na ring magbukas ang Tamayo’s Fusion Restaurant sa Manila Ocean Park. Itinatag na rin ni Steve ang Far East Hotel Management Consultancy, Inc. kung saan sila ang nangangasiwa sa management and services sa mga hotel katulad Team Energy (dating Mirant Power Plant) sa Sual, Pangasinan; Team Energy sa Pagbilao, Quezon; Kobanta Power Village sa Mauban, Quezon; at CAL Energy Accommodation sa Pantabangan, Nueva Ecija. Payo mula sa sariling karanasan “Sana maging inspirasyon ako sa OFWs na magsikap para hindi habang panahon OFW sila. Kung may bakanteng oras, gugulin sa makabuluhang gawain. Kapag nadapa, bumangon at huwag mawalan ng pag-asa kay Lord. At higit sa lahat, huwag kalimutan ang bansa dahil sa oras ng kagipitan sa kanya pa rin babalik, tulad ng nangyari sa akin sa Kuwait," payo ni Steve. Masaya rin umano si Steve sa tuwing may nagpapa-cater na OFWs o Filipino immigrants na umuuwi ng Pilipinas upang dito ikasal at ipagdiwang ang mahalagang okasyon sa kanilang pamilya dahil naibabahagi n'ya ang kanyang karanasan bilang OFW. - GMANews.TV