Filtered By: Topstories
News

JDV handang magsiwalat ng katiwalian sa pamahalaan


Ipinahayag ni Speaker Jose De Venecia na handa siyang sumali sa oposisyon upang ilantad ang katiwalian sa gobyernong Arroyo. "I will join the battle against corruption with the opposition, and praise the President if she does things right or denounce her (if she does something wrong)," ayon sa kanya sa isang panayam matapos ang isang oras na privilege speech sa House of Representatives. Samantala, inihayag din ni De Venecia sa kanyang talumpati na dapat ay bakantehin ang lahat ng posisyon sa mababang kapulungan. Hiniling ni De Venecia na amyendahan ang naunang mosyon ni Palawan Rep. Abrahan Mitra na bakantehin ang pwesto ng House Speaker. Subalit ang kahilingan ni De Venecia ay sinalungat ni Camarines Sur Rep. Luis Villafuerte na tumatayo rin bilang pangulo ng Kabalikat ng Malayang Pilipino party. Samantala, maraming isiniwalat si De Venecia sa kanyang isang oras na talumpati nitong Lunes ng gabi. Ayon sa kanya, alam niyang maraming tangka na manipulahin ang resulta ng 2004 elections. Subalit hindi na nagbigay ng karagdagang detalye si De Venecia at sa ibang pagkakataon na lamang daw dahil ito ay maselang usapin. "I can speak on greater details on some other opportunities," pahayag niya. Pinasaringan din ni De Venecia ang administrasyon ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo dahil sa laganap na katiwalian sa bansa. "What is happening to our country? Everything is for sale. Bribery and corruption (are widespread). Is this the Philippines that we want?," sinabi niya. Idinawit din ni De Venecia ang Palasyo sa inihaing reklamo laban sa kanya sa ethics committee na inihain ni Atty Roel Pulido, na kanya pang binansagang "Malacañang minion." Matatandaang isinaad ni Pulido sa reklamo na nagkaroon ng conflict of interest si De Venecia sa pagpayag sa aplikasyon ng prankisa ng kumpanyang pagmamay-ari umano ng kanyang anak. Ibinasura ng House ethics committee ang reklamo laban kay De Venecia dahil nangyari ang pagbibigay ng prangkisa sa Media Telephony kung saan isa sa may-ari si Jose "Joey" de Venecia III. Sinabi rin niya na ilang ulit niyang dinepensahan si Arroyo sa kanyang termino. "In every challenge in the life of President Arroyo, I was there, standing beside her....During the battle for the proclamation of her as president I was there. I stood there and we raised the hand of President Arroyo," pahayag niya. "I always stood by her, and in the various coup attempts against her I was there, to ensure that she continues to seat in power in Malacañang. When (impeachment cases were filed against) President Arroyo, FVR and I joined hands to rescue her and we succeeded," idinagdag pa niya. Muntik nang hindi makapag-talumpati si De Venecia sa Kamara matapos hindi pumayag si Mitra sa kagustuhan ng Speaker. Sinubukan ding harangin ni Camarines Rep. Luis Villafuerte, pangulo ng Kampi, ang pagsasalita ni De Venecia. Subalit pinayagan din ito kinalaunan na magbigay ng 10 mahabang minutong talumpati sa harap ng mga mambabatas. - Mark J. Ubalde,. GMANews.TV