Filtered By: Showbiz
Showbiz

Gian Carlos aware of responsibilities as a teen dad


Kasabay ng paglabas sa publiko ni Eda Nolan sa The Buzz, nagpaunlak din ng interview ang boyfriend at ama ng kanyang anak na si Gian Carlos, 19, sa Showbiz Central noong Linggo, February 17. Sa panayam sa kanya ni Raymond Gutierrez, inamin ni Gian na nagsasama na sila ngayon ng kanyang girlfriend na si Eda sa isang bahay kasama ang kanilang anak na si Gian Andrei Ho. Ipinanganak si Gian Andrei noong February 8. Ayon kay Gian, ang desisyong ito ay upang mas malapit siya sa kanyang bagong pamilya. Dagdag niya, "Actually, ayoko kasing magkulang sa baby, e. Gusto ko andun ako, nandun ako sa una. Hopefully, nandun ako hanggang sa huli." Bukod sa pag-aalaga, nangako rin si Gian na maging isang good provider kina Eda at sa kanilang anak. Upang magampanan ito, nabanggit ng StarStruck 3 First Prince na muli siyang magbabalik sa showbiz. Aniya, "Siyempre, kailangan ko yung work. Kailangan ko nga mas todo-kayod ngayon kasi may baby na ako, may responsibilities. At siyempre may kontrata pa naman ako sa Artist Center." Sa kabilang banda, napag-usapan din sa interview ang karamdaman ni Gian na hemophilia. Ito ay isang genetic bleeding disorder kung saan may abnormalidad sa clotting ng dugo. Bagama't may kaunting pag-aalala, hindi naman daw ito masyadong iniisip ni Gian. Aniya, "Yung hemophilia naman kasi, hindi ko iniisip yun. Kahit naman sa trabaho, hindi ko ginagawang rason yun. "Ayun na lang, parang think positive na lang ako, na kakayanin ko 'to para sa baby ko. Kaya nga nagpe-pray kami ngayon na sana naman, wala sa baby. Yung generation naman kasi from lolo to apo." Dagdag pa ni Gian, napa-check-up na rin nila ang kanilang anak ukol dito ngunit hindi pa lumalabas ang resulta. Sa bandang huli, pinasalamatan ni Gian si Eda. Pahayag ng young actor, "Gusto ko lang sabihin sa inyo ni Baby na mahal na mahal ko kayo, hindi ko kayo papabayaan. At sana maalagaan natin si Baby nang maayos, mapapalaki natin siya nang maayos. I love you." Nagpasalamat din si Gian sa mga magulang ni Eda sa pagtanggap nila sa kanilang situwasyon. "Thank you kasi naiintindihan n'yo kami ni Eda kahit bata pa kami," sabi ni Gian. "Nagpapasalamat ako dahil lagi kayong nandiyan, full support sa amin. Tinuturuan n'yo kami kung paano alagaan si baby. Thank you at hindi ko papabayaan si Eda." - Philippine Entertainment Portal