Filtered By: Topstories
News

Paring gubernador ng Pampanga bukas sa pagtakbo bilang pangulo sa 2010


Matapos maging unang paring gobernador ng Pampanga, pinag-iisipan ni Fr Ed Panlilio na tumakbo sa pagka-pangulo sa halalan sa 2010 at maging unang pari na magiging presidente ng Pilipinas. Sa website ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP), sinabi ni Panlilio na bukas siya sa posibilidad na kumandidato bilang presidente sa 2010 kung kinakailangan sa pagkakataon. "(I am) not worried much about 2010 presidential elections. At the moment, (I am) concentrating how to work hard for good governance and responsible citizenship in the province with the cooperation with various sectors," paliwanag ng gobernador. Gayunpaman, sinabi ni Panlilio na masyado pang maaga upang pag-usapan ang 2010 dahil mahigit dalawang taon pa bago ang nakatakdang halalan. Idinagdag ng gobernador na ang pagbabago sa pulitika ng bansa ang siyang dapat tutukan. Pinuna niya ang paghihirap sa bansa ang ugat ng patronage politics "not only socially acceptable, but even an unwritten law that must be followed by every person in office, if only to cling to power." Sinabi niya na dahil sa political patronage ay nagkaroon ng pagkakataon ang mga gambling lords na tapakan ang mga tao na may malinis na hangarin sa pagsisilbi sa bayan. "It has corrupted honest men, and has disillusioned the idealist," ayon kay Panlilio. Itinuturing na milagro ang pagkapanalo ni Panlilio sa pagka-gobernador sa Pampanga noong 2007 matapos talunin ang mga higanteng pulitiko, kabilang na ang dating gobernador na si Mark Lapid at bise gobernador na si Lilia Pineda. Noong nakaraang taon, isiniwalat ni Panlilio ang pamamahagi ng tig- P500,000 "cash gift" sa mga lokal na opisyal na dumalo sa isang pagtitipon sa Malacanang. - Fidel Jimenez, GMANews.TV