Filtered By: Topstories
News

Arroyo nag-unity walk kasama ang mga kabataan at mag-aaral


MANILA - Nagsagawa ng “unity walk" si Pangulong Gloria Macapagal Arroyo nitong Huwebes kasama ang mga kabataan at estudyante sa Malacanang, isang araw bago ang nakatakdang protesta sa Maynila na pangungunahan ng mga kabataan. "Your love for your country is truly commendable. You are a big inspiration for this government. Thank you for expressing that your weariness of the politics of division and despair," pahayag ni Arroyo matapos ang unity walk na kinabilangan ng mga opisyal ng Sangguniang Kabataan. Kasama rin sa unity walk ang mga nakinabang sa scholarship program ng pamahalaan, mga estudyante sa pampublikong paaralan at ng Assumption College kung saan nag-aral si Arroyo. "Thank you for supporting your government as we make bitter and tough decisions to ensure continuous economic growth, to fight poverty, and to ensure that our country remains peaceful and stable," ayon sa Pangulo. Nagmistulang guro si Gng Arroyo nang ipakita niya sa harap ng mga kabataan na pumuno sa Rizal Hall ang mga plano ng kanyang administrasyon na nakapaloob sa P200 bilyong pondo para sa edukasyon. Ang Department of Education ay magkakaroon ng P150 bilyong alokasyon habang ang nalalabing P50 bilyon ay ipamamahagi sa Commission on Higher Education, state universities and colleges, Technical Education Skills Development Authority at iba’t-ibang education-related projects ng Department of Science and Technology, Commission on Information and Communication Technology at Department of Social Welfare and Development. Inihayag din ni Arroyo na may P6 bilyong pondo na nakalaan sa pagpapatayo ng 11,000 bagong silid-aralan at pamamahagi ng 35 milyong libro. Idinagdag ng Pangulo na itataas ang P10,000 ang dating P5,000 vouchers na ibinigay sa 60,000 mag-aaral sa elementarya na magtatapos upang tulungan silang tustusan ang kanilang pag-akyat sa high school. Gagastos din umano ang pamahalaan ng P700 milyon para sa college scholarships, at P1 bilyon para sa masters and doctorates sa Science and Engineering. "We have already achieved a lot, and we still want to do more. We want to continue working for the next two years until the day my term ends in 2010," pahayag ng Pangulo. - Fidel Jimenez, GMANews.TV