Filtered By: Showbiz
Showbiz

PEP: Dingdong Dantes to finally sign exclusive contract with GMA Films


Nakumpirma ng PEP (Philippine Entertainment Portal) na bukas, March 26, na pipirma ng exclusive contract sa GMA Films si Dingdong Dantes. Siya ang magiging pang-apat na pipirma ng exclusive contract sa film company ng Kapuso Network after Richard Gutierrez, Iza Calzado, and Rhian Ramos. Last year pa sana pipirma ng kontrata si Dingdong. Una pa sana ang young actor kay Rhian, pero nagulat ang PEP na sa scheduled date ng contract signing ni Dingdong, ang young actress at hindi siya ang dumating sa GMA Network. Ang paliwanag sa PEP, wala ang manager ni Dingdong na si Perry Linsangan sa first schedule ng contract signing. Nasa Cagayan de Oro raw si Perry kasama sa Team Pinoy Idol na nagpa-audition sa naturang probinsiya. Ang isa pang rason na nakarating sa PEP, may mga demand ang kampo ni Dingdong sa GMA Films na hindi pa naayos kaya inuna munang papirmahin si Rhian. Sa taping ng wedding scene nila ni Marian Rivera sa Marimar noong March 10 sa San Agustin Church, muling tinanong ng PEP si Dingdong kung kailan siya pipirma ng kontrata sa GMA Films at kung kailan siya gagawa ng pelikula rito. "Malapit na," sagot niya. "Wait lang at sini-settle ang lahat na dapat ayusin para walang maging problema at tuluy-tuloy ang trabaho. Kahit may Dyesebel, puwedeng isingit ang movie namin ni Marian. Gusto rin ng TV viewers na mapanood kami sa pelikula. Basta, malapit na." Hindi na nga maghihintay nang matagal ang fans ni Dingdong na muli siyang mapanood sa pelikula dahil pipirma na siya ng kontrata sa GMA Films. Ang una niyang project ay ang Amnesia with Marian and Iza Calzado-co-produced ng Regal Entertainment dahil may exclusive contract kay Mother Lily Monteverde si Marian. Pero after I.T.A.L.Y. (I Trust And Love You) na siguro gagawin ang Amnesia dahil sa nasabing pelikula na kukunan sa Europe ang attention ng lahat. Isa pa, magiging busy rin si Dingdong sa taping ng Dyesebel kung saan balik-tambalan sila ni Marian Rivera. Hindi na rin si Maryo J. de los Reyes ang director ng Amnesia dahil may gagawing movie sa Viva Films ang direktor. Si Direk Maryo rin yata ang direktor ng TV remake ng Magdusa Ka, na pagbibidahan ni Katrina Halili. Binanggit sa PEP ang papalit na direktor kay Maryo, pero ipina-off the record muna dahil hindi pa raw ito final. Hindi ang Amnesia ang magiging first movie ni Dingdong sa GMA Films dahil ginawa na nila nina Iza at Karylle ang Moments of Love na naging box-office hit. Dahil nga doon, pinagtambal ulit sina Diingdong at Iza sa Eternity na co-produced ng GMA Films at Regal Entertainment. Parehong si Mark Reyes ang direktor ng dalawang pelikula. - Philippine Entertainment Portal