Filtered by: Topstories
News

ID na 'di mapepeke ipamimigay sa mga rice beneficiaries


MANILA – Plano ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na maglagay ng high-tech features sa identification cards na planong ipamigay sa mga mabibiyayaan ng subsidiya ng pamahalaan sa murang bigas. Sa ulat ng radyo nitong Sabado, sinabi ni DSWD secretary Esperanza Cabral na ang mga ID na ipamamahagi at nagtataglay ng bar codes na kailangan idaan sa scanner para sa beripikasyon. Sa pamamagitan ng high-tech na card, maiiwasan umano ang paggamit ng mga pekeng card at balak magsamantala sa sitwasyon. Posible umanong may magtangka na bumili ng maraming bigas para ibenta sa mas mahal na presyo. “We will place bar code systems so that the cards whose bar codes do not match will trigger an alarm when scanned. That way, unscrupulous individuals will not get cheap rice," ipinaliwanag ni Cabral sa dzRB radio. Sinabi ni Cabral na ang planong ID ay iba pa sa programa na “Beneficiary Identified for Government Assistance (BIGAS) numbers," na ibibigay sa mga lokal na pamahalaan upang maiwasan pagkalat ng pekeng cards. “We are taking all measures to make sure the cards will not be easily faked," ayon sa kalihim. - GMANews.TV