Filtered By: Topstories
News

2 Pinay na nanganak sa deportation cell sa Jeddah pinauwi na sa RP


MANILA – Dalawang Filipina na nanganak sa loob ng deportation cell ng Jeddah at anim na iba pang Pinoy ang inaasahang makababalik na sa Pilipinas, ayon sa isang opisyal ng embahada. Sinabi ni Romeo Pablo, Overseas Workers’ Welfare Administration (OWWA) Welfare Officer, ang anim na hindi pinangalanang Pinoy ay umalis ng Dammam nitong Lunes ng gabi matapos iendorso ng consul general. Samantala ang dalawang Filipina na nanganak ay nakilalang sina Shahani Odin at Zubaida Insiang kasama ang kanilang mga bagong silang na anak na sina Ahmad Odin at Abdulaziz Insiang. “They are the last stranded Filipinas endorsed to leave Saudi, “ ayon kay Pablo. Ipinaliwanag ni Pablo na ang pagpapauwi kina Odin at Insiang sa Pilipinas ay naurong dahil sa hindi inaasahang panganganak nila. "Ang dalawang buntis ay kabilang sa grupo ng mga stranded OFWs na nakaalis noong unang dalawang linggo nang Abril. Pero dahil sa pareho silang nanganak ay naurong ang kanilang pag-uwi hanggang noong isang gabi," idinagdag ni Pablo. Inihayag nito na lahat ng babaeng distressed OFWs na inalok ng legal deportation process ng konsulado ay nakabalik na sa Pilipinas. Bukod sa anim na Filipino ang umalis ng Damman, isa pang Filipino ang nanatili sa deportation cell sa Jeddah, ayon kay Pablo. "Sa ngayon ay ginagawa pa namin ang summary nang lahat nang mga stranded OFWs na inindorso ng konsulado na nakauwi na," ayon sa opisyal. - Ronaldo Concha, GMANews.TV